Parak na akusado ng rape imbestigahan – NCRPO

Parak na akusado ng rape imbestigahan – NCRPO

August 3, 2022 @ 1:14 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Felipe Natividad ang agarang imbestigasyon sa kasong rape na kinasasangkutan ng isang opisyal ng Pasig City police.

Sa pahayag ngayong Miyerkules, tiniyak niya na ang 41 taong gulang na suspek na si Cpl. Mario Maramag, ay parurusahan nang naaayon kung napatunayang nagkasala sa akusasyon.

Sa mga ulat nakarating sa kanyang tanggapan, sinabi ni Natividad na ang 29-anyos na biktima ay nagtungo sa Pasig City Police Station (CPS) at nagsampa ng reklamo laban kay Maramag.

Nangyari ang insidente sa isang motel sa Barangay Bagong Ilog sa Pasig noong Lunes.

Noong Martes ng hapon, sumuko si Maramag kay Lt. Jazon Lovendino, officer in charge ng Pasig CPS Sub Station 2.

Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Pasig CPS habang nakabinbin ang imbestigasyon habang ang biktima ay dinala sa PNP Forensic Unit sa Camp Crame, Quezon City para sa medico-legal examination.

Sinabi ni Natividad na hindi kukunsintihin ng NCRPO ang anumang walang prinsipyong gawain ng mga miyembro nito.

“We will never allow the police to be abusive and freely do bad things, especially to civilians. We will not stop anyone, no matter who you are, if something is done against the law, we will make sure that they pay for it,” sabi ni Natividad. Jocelyn Tabangcura-Domenden