Parak na lider ng kidnap-for-ransom group, pumuga!

Parak na lider ng kidnap-for-ransom group, pumuga!

October 8, 2018 @ 9:03 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakas sa kustodiya ng Cagayan police ang isang parak na pinaghihinalaang lider ng kidnap-for-ransom group, ayon sa kumpirmasyon ng pulis ngayong Lunes.

Ang suspek na si Superintendent Johnny Orme ay ang utak umano ng pag-kidnap at pagpatay sa isang negosyante sa Pasay noong October 2017.

Nagtago si Orme ng halos isang taon bago ito umuwi sa kaniyang tahanan noong Sabado sa Gonzaga, Cagayan kung saan siya naaresto habang nakasakay sa Bangka, ayon kay provincial police chief Senior Superintendent Warren Tolito.

Gayunpaman, bago dumiretso sa istasyon ng pulis, pinayagan ng mga arresting official na bumalik muna sa bahay ang suspek para magpalit ng damit. Nang makapasok ng kaniyang tahanan, agad na nakatakas ang suspek mula sa mga pulis.

Ayon kay Tolito, ang mga arresting officer ay haharap sa imbestigasyon bunsod ng pagtakas ni Orme.

Ang suspek ang umano’y lider ng kidnap-for-ransom group na dumukot sa casino junket operator na si Carlos Tan, 55-anyos, sa NAIA Expressway sa Pasay noong 2017, ayon sa impormasyon mula sa police Anti-Kidnapping Group (AKG).

Humingi ang mga kidnapper ng P50 million ransom para sa kalayaan ni Tan ngunit makalipas ang dalawang araw, natagpuan na lamang ang bangkay ng biktima sa Barangay San Jose, Tagaytay City, ayon sa police unit.

Kasunod nito, apat sa mga kasabwat ni Orme ang napatay sa mga police operation kaya’t agad siyang nagtago.

Ang grupo ni Orme ay sangkot din sa narcotic trade./Remate News Team