Parak namaril sa inuman, kalaboso

Parak namaril sa inuman, kalaboso

March 1, 2023 @ 5:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kalaboso ang kinasadlakan ng isang pulis matapos na ilang beses na magpaputok ng kanyang baril nang makipagtalo sa kanyang kainuman Lunes ng gabi, Pebrero 27 sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang suspek na si Police Corporal John Teo Gordovez Agunday, 37 anyos, may asawa, nakatalaga sa Sub-Station 2, Barangka Marikina, City, at residente ng No.89 Batino St., Brgy. Amihan, Project 3, Q.C.

Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9, bandang 8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Kaymito at Pajo Sts., Brgy. Quirino 2A, sa lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon, nakikipag-inuman ang pulis sa kaniyang mga kaibigan sa harapan ng tahanan ng complainant na si Armenia Mampo Sancho, 49, government employee.

Ayon kay Sancho, sa gitna ng inuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang pulis at mga kaibigan nito.

Dahil dito tumayo ang pulis, sumakay sa kaniyang motorsiklo saka ilang beses na nagpaputok ng baril sa lupa bago umalis.

Nang matanggap ang reklamo mula sa mga residente, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at inaresto ang kanilang kabaro.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 (Alarm and Scandal) at Indiscriminate firing ang nabanggit na pulis. Jan Sinocruz