Parak namaril sa selos; 2 sapul

Parak namaril sa selos; 2 sapul

June 20, 2022 @ 10:50 AM 6 days ago


BACOLOD CITY- Nasa hot water ngayon ang isang pulis matapos barilin ang isang construction worker na ikinasugat ng isa pa dahil sa selos sa babaeng nililigawan umano ng una Linggo sa lungsod na ito.

Dinakip ng kanyang mga kabaro ang suspek na kinilalang si Master Sergeant Jeff Desucatan, 37-anyos, desk officer ng Bacolod Police Station 2, at residente ng RPHS Brgy. Alijis, ng naturang lungsod.

Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang mga biktimang sina Richard Jimenez, 30 anyos, residente ng Ciocon Rd. Brgy. 26, at Jorem Sibug, 24 anyos, ng Prk. Star Apple Brgy. 27.

Ayon kay Police Major Richie Gohee, hepe ng Bacolod Police Station 4, bandang 12:30 AM naganap ang insidente sa Rizal St. Barangay 26, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, naglalakad ang suspek sa nasabing lugar para bisitahin ang babae na dating kasintahan ni Jimenez .

Nakasalubong ni Desucatan si Jimenez na nakamotorsiklo at nabangga siya ng huli na ikinagalit ng una.

Dito, binunot ng suspek ang kanyang Glock 17 service firearm at pinagbabaril si Jimenez na tinamaan sa paa.

Sa kabila ng tama ni Jimenez, tinangka umano nitong kumuha ng bote at ipapalo sana kay Desucatan kaya muling nagpaputok ito at tinamaan na sa ilalim ng pusod si Sibug.

Kaagad naman dinala sa ospital ang mga biktima para lapatan ng lunas habang nagtago naman sa bahay ng babae ang suspek sa takot na kuyugin ito ng mga residente.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng SWAT Team Bacolod City Police Office (BCPO) sa pangunguna ni Gohee at pinalibutan ang bahay ng babae hanggang sa sumuko si Desucatan at tinurn-over niya ang kanyang service firearm.

Nabatid na matagal na umanong may alitan ang suspek at Jimenez dahil sa babaeng dating kasintahan ng biktima.

Sa ngayon hinihintay na lamang ng Police Station 4 ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung magsasampa ng kaso laban sa suspek.

Sinabi naman ni Police Lt. Col. Sherlock Gabana, tagapagsalita ng Bacolod City-PNP, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon ganun din ang Provincial Internal Affairs Service sa naturang insidente.

Aniya, posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo si Desucatan.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay hindi pa inalis sa kanyang puwesto si Desucatan habang nakabinbin ang ginagawang imbestigasyon./Mary Anne Sapico