Parak patay; riding-in-tandem suspects utas din

Parak patay; riding-in-tandem suspects utas din

May 27, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


DAVAO DE ORO-Nagbuwis ng buhay ang isang pulis dahil sa tawag ng tungkulin matapos rumesponde sa reklamong panunutok ng baril ng riding in tandem suspect nitong Miyerkules sa bayan ng Nabunturan.

Kinilala ang biktimang si PSSg Erull Millana, nakatalaga sa Montevista Police Advance Post, Camp Quintin Merecido, Buhangin, Davao City- Police Regional Office 11.

Batay sa report ng Nabunturan Municipal Police Stations, bandang 2:00 AM naganap ang insidente sa Purok 4 Magsaysay, Nabunturan, Davao de Oro.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ng tawag sina Millana mula sa isang Lemark Fontino na tinutukan ng baril ang kapatid nitong si Efraim Fontino ng dalawang hindi kilalang kalalakihan na nakamotorsiklo.

Agad naman rumesponde si Millana kasama si PCpl Rogelio Golo Jr; sa lugar at naabutan ang mga suspek na armado ng hindi pa mabatid na kalibre na baril.

Palapit pa lamang sina Millana sa lugar ay agad na silang sinalubong ng baril ng mga suspek at tinamaan sa tiyan si Millana.

Nakaganti naman ng putok sina Millana at tinamaan ang hindi pa kilalang gunman na agad nitong ikinasawi habang nakatakas ang driver ng motorsiklo patungo sa Brgy. Magsaysay, Nabunturan, Davao de Oro.

Dinala naman sa ospital si Millana pero dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sa ginawang manhunt operation ng grupo ng Montevista, Compostela, Nabunturan Municipal Police Stations at 1st Davao de Oro Provincial Mobile Force Company, napatay ang isa pang suspek nang makipagbarilan ito sa operatiba.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek./Mary Anne Sapico