Parak patay sa kabaro, suspek nagpakamatay

Parak patay sa kabaro, suspek nagpakamatay

August 25, 2022 @ 8:45 AM 1 month ago


NUEVA VIZCAYA- PATAY ang isang pulis matapos barilin ng kasamahan nito habang nagpakamatay rin ang suspek sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili kamakalawa ng gabi sa bayan ng Bagabag.

Kinilala ang biktimang si PCpl Jomar Puhay, 36 anyos may-asawa, kasapi ng Bagabag Police Station at residente ng Villaros, Bagabag,Nueva Vizcaya.

Habang ang suspek ay kinilalang si Police Master Sgt. Jefferson Bartolome, 43 anyos, may-asawa, miyembro ng Bagabag Police Station, nakatalaga sa 1st PMFC Bayombong, Nueva Vizcaya at residente ng Poblacion West, Lamut, Ifugao.

Batay sa report ng Bagabag Police Station, dakong 11:35 PM naganap ang krimen sa border checkpoint sa Purok 2 Barangay Bakir, ng nasabing bayan.

Kwento ng mga kasamahan ng dalawa na sina Patrolman Larry Dulente Tarayao, nakatalaga sa 1st PMFC at Patrolman Christian Manibug, katatapos lamang nila magsagawa ng checkpoint sa nabanggit na barangay ng makarinig sila ng putok ng baril.

Agad nilang tinungo ang pinagmulan ng putok at nakita nilang duguan nakadapa si Puhay habang tumakas si Bartolome.

Isinugod naman sa ospital si Puhay subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Ilang minuto naman ang nakalipas natagpuan ang bangkay ng suspek sa bakanteng lote na may tama ng bala ng baril sa bibig na pinaniniwalaan nagbaril ito sa sarili.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente nag-uusap lamang ang dalawa ng magkaroon ng hindi pagkakaintindihan na nauwi sa pamamaril.

Sinabi naman ng pulisya na maituturing na sarado na ang kaso pero magsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang PNP Internal Affairs Service (IAS) para malaman ang tunay na motibo sa krimen at kukuhanan din ang mga ito ng paraffin test./Mary Anne Sapico