Parak timbog sa P374K shabu

Parak timbog sa P374K shabu

May 23, 2022 @ 10:45 AM 1 month ago


MOLO, Iloilo City- NANGANGANIB na matanggal sa serbisyo at makulong ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos mahulihan ng malaking halaga ng shabu sa isinagawang drug buy bust operation Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Police Staff Sergeant Igmedio Cristobal Jr., 40-anyos, nakatalaga sa Regional Personnel Holding Administration Unit (RPHAU 6), tubong La Paz at naninirahan sa Zone 11, Barangay Calaparan, Arevalo.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mark Anthony Darroca, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit-6, Linggo ng umaga nadakip ang suspek sa Aries St. VML Subdivision North Fundidor, Molo, Iloilo.

Sa pinagsamang operasyon ng RPDEU 6 at Molo Station Drug Unit nakabili sila ng 2 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P5,000.00 kay Cristobal Jr.

Agad na pinosasan ng kanyang kabaro ang suspek at nakuha pa rito ang 17 pakete ng shabu na may bigat na 55 gramo at tinatayang may market value na aabot sa P374, 000.00.

Maliban sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 posibleng madagdagan pa ang kasong kakaharapin ni Cristobal Jr./Mary Anne Sapico