Parañaque pasok sa DOF-BLGF top 10 cities sa Pinas

Parañaque pasok sa DOF-BLGF top 10 cities sa Pinas

August 4, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglabas ng memorandum circular ang Department of Finance-Bureau of Local Government and Finance (DOF-BLGF) na naghahayag ng sampung lungsod na nangunguna sa National Top Performing Provinces, Cities and Municipalities in Local Revenue Generation for FY 2021 kung saan kabilang ang lungsod ng Parañaque sa naturang listahan.

 

Base sa inilabas na BGLF Memorandum Circular No. 015.2022 na may petsang Hulyo 29, 2022, sa sampung lungsod na nanguna sa listahan ay nakuha ng Parañaque ang ika-anim na puwesto sa kategoryang Highest Locally Sourced Revenues (LSR) para sa taong 2021.

 

Sa Facebook page post ni Parañaque City Treasurer Anthony Pulmano tungkol sa circular na inilabas ng BLGR, nakamit ng lokal na pamahalaan ang ika-anim na pwesto dahil sa ipinakitang ng lungsod na performance area partikular sa Highest Locally Sourced Revenue o LSR; Collection Efficiency (CE) ng LSR; at ang Year-on-Year Growth sa LSR.

 

Parañaque City Treasurer Anthony Pulmano

Parañaque City Treasurer Anthony Pulmano

Ayon kay Pulmano, muli na namang nakamit ng lungsod ang panibagong karangalan kasabay ng kanyang pagbati sa mga income generating na tanggapan ng lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), Assessor’s Office, Office of Building Officials at sa lahat ng bumubuo ng team.

 

Nagpasalamat din si Pulmano sa mga ito at nanawagan sa mga nabanggit na departamento na isagawang muli sa susunod na taon ang karangalan alang-alang sa mga residente ng lungsod.

 

Umaasa rin si Pulmano na makakamit pa rin ng lokal na pamahalaan ang kaparehong koleksyon ng buwis na magbibigay ng panibagong rekognisyon sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Eric Olivarez sa mga darating na taon dahil nasa tamang daan ang lungsod upang malampasan pa ang target na koleksyon ng buwis sa lungsod.

 

Ang kapuna-puna ang pagbabago ng lungsod mula sa isang natutulog na siyudad tatlong dekada na ang nakararaan hanggang sa dumating si Pulmano bilang Ingat-Yaman ng lungsod na nagpatupad ng kakaibang stratehiya sa pangungulekta ng buwis na nagbigay ng rekognisyon bilang isa sa pinakamayamang lungsod sa bansa.

 

Ang top 10 na lungsod ay kinabibilangan ng Quezon City na siyang nanguna sa listahan na mayroong LSR Collection na 22.9 bilyon na sinundan ng Makati City na nakapagtala ng 13.77 bilyon; pumangatlo ang Lungsod ng Maynila na nakakuha ng 11.5 bilyon; nasa ika-apat na posisyon ang Taguig City na nakapagtala ng 10.7 bilyon at pumanglima naman ang Pasig City na nakapagtala ng 8.6 bilyon.

 

Nasungkit ng Parañaque City ang ikaanim na pwesto dahil sa naitalang koleksyon na 6.2 bilyon; nasa ikapitong posisyon ang Pasay City na mayroong 5.3 bilyon; habang ang Davao City, Mandaluyong City at Valenzuela City ang nakakuha ng ikawalo, ikasiyam at ikasampung puwesto na nakapagtala ng LSR Collection na 5.1 bilyon, 4.3 bilyon at 3.8 bilyon, ayon sa pagkakasunod-sunod. (James I. Catapusan)