PARAÑAQUE, TADTAD NG REKLAMO SA BASURA

PARAÑAQUE, TADTAD NG REKLAMO SA BASURA

January 10, 2023 @ 12:47 AM 4 weeks ago


SA kabila ng napakaraming mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na lumahok sa “Walk of Faith” mula Quirino Grandstand sa Luneta hanggang sa simbahan ng Quiapo nitong Linggo ng madaling araw, hindi naging problema ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga basura sa lansangan.

Marahil, natuto na rin ang mga deboto sa walang tigil na panawagan ng lokal na pamahalaan at ng mga grupong tulad ng Ecowaste Coalition kaugnay sa pananatili ng kalinisan at wastong pagtatapon ng kanilang mga basura lalo’t hindi biro ang 88,000 kataong lumahok sa mahigit isang oras na paglalakad at mag-iwan ng mga basura sa lansangang kanilang dinaanan.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng marami, ang mga pangunahing lansangan sa Maynila ay may nakatalagang street sweeper bukod pa sa regular ang koleksiyon ng basura saan mang gawi sa lungsod.

Kung mahigit isang milyon man isang araw ang ginagastos ng pamahalaang lokal sa kompanyang nangangasiwa sa paghahakot ng basura, sulit naman dahil sa dami ng mga residenteng naninirahan sa Maynila, tiyak na magiging ga-bundok ang mga basura sa lansangan kapag pumalya ng kahit isang araw lang ang koleksyon ng basura.

Batid ‘yan ng mga Manilenyo dahil minsan na nilang naranasan ang ganitong sitwasyon sa mga nakaraan pang administrasyon matapos pumalya ang kontratistang humahakot ng basura bunga nang ‘di pagkakaunawaan.

Taliwas ang nangyayari ngayon sa kaharian ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na tinadtad ng reklamo ng mga residente dahil sa hindi nakokolektang basura mula pa noong nagdaang Pasko.

Halos lahat ng 16 na barangay sa lungsod ay namamaho na sa dami ng tambak na basurang hindi nakokolekta kaya todo ang hingi ng paumanhin ng alkalde sa mga residente nang bumisita siya at kanyang may-bahay na si Aileen Claire sa Material Recovery Facility sa C5 Road Ext. sa Brgy. La Huerta.

Gayunman, naging malupit ang mga residente dahil sa halip na umawain ang paghingi ng paumanhin ng kanilang alkalde ay ipinost pa ang mga larawan ng tambak na basura sa opisyal na Facebook page ng kanilang Public Information Office.

Sa isang komento nakasaad ang katagang “Di naman dapat tumigil ang service kung anomang transition yang nangyayari. This is just plain MISMANAGEMENT! Anong tulong ang nagawa n’yang personal visit na yan ng mayor? Photo op??”

Ang isa pang maanghang na komento ay ang post ng isang netizen ng ganito: “Ang pangit ng pamamalakad ngaun, laging walang tubig, magdamag gising para makaipon ng tubig, nagkakasakit na kapupuyat, tapos ung basura wala na rin napasok ang mahal na ng bayad sa mga nagtatapon… Grabe namn maawa namn kau sa mga nasasakupan nyo, gawan nyo namn po sana ng action yung mga problemang kinakahanap ng mga nasasakupan nyo.”

Sabi pa ng isang nagngingitngit na residente sa kanyang post- “Hina ng mayor na ‘to malapit ng mabulok ang Paranaque. Grabe nmn pahirap nyo.”

Marami pang negatibong komento ang mga residente na kung babasahin, hindi lang masakit sa tenga kundi tagos talaga sa damdamin. Siguro, kailangan ng umaksyon ni Parañaque Rep. Edwin Olivarez para mabigyan ng sapat na kaalaman sa wastong pamumuno ang nakababatang kapatid dahil sampal sa kanilang pamilya ang hindi magagandang komento sa alkalde ng kanilang mga kababayan.