Parehong ‘ending’ sa plaka ikakasa sa mga motoristang may ibang sasakyan – MMDA

Parehong ‘ending’ sa plaka ikakasa sa mga motoristang may ibang sasakyan – MMDA

April 13, 2022 @ 8:55 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Gustong ikasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang parehong numero sa last digit ng plaka at ibigay sa motoristang magpaparehistro ng ibang sasakyan.

Naniniwala kasi si MMDA chairman Romando Artes na sa ganitong paraan ay hindi na maiengganyo ang mga Pilipino na bumili ng bagong sasakyan para lamang makaiwas sa number coding gamit ang ibang sasakyan na iba ang ending ng numero sa plaka.

“Sumulat ang MMDA sa LTO (Land Transportation Office) para ang bibili ng bagong sasakyan na may existing na sasakyan ang ma-issue na ending plate ng bago niyang bibilhing sasakyan ay katulad ng existing na sasakyan nila,” ayon kay Artes sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.

“Kunwari si Juan bumili ng sasakyan mayroon na siyang dating sasakyan ang ending plate ay 0, hihilingin po natin sa LTO na ang i-issue na plaka sa bagong sasakyan ay 0 din para di makaiwas sa number coding scheme,” aniya pa rin.

Pinalagan naman ni Artes na “anti-poor” ang iminumungkahing bagong number coding dahil sinasabing hindi naman daw kasali rito ang mga public utility vehicles na ginagamit sa transportasyon ng mga walang sasakyan.

Sa ipinapanukalang bagong number coding scheme ng MMDA, inaasahan na mababawasan ng 40 porsyento ang mga sasakyan sa kalye sa oras na umiiral ang plano dahil sa halip na isang araw lang mahahagip ang ending plate ng isang sasakyan ay magiging dalawang araw na ito sa bagong coding scheme na mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

May panukala rin na ipatupad ito ng alas-7 hanggang alas-10 ng umaga.

Sa ulat, ang mga plaka na ang ending ng numero ay 1 at 2 ay sapul sa Lunes at Miyerkules; ang 3 at 4 sa Lunes at Huwebes; ang 5 at 6 tuwing Martes at Huwebes; 7 at 8 sa Martes at Biyernes; at ang 9 at 0 tuwing Miyerkules at Biyernes.

Sinasabing, hindi kasali ang mga public utility vehicles (PUV) tulad ng bus, jeepney, taxi, at mga ride-hailing services.

Sa kabilang dako, pinadala na ng MMDA ang kanilang panukala sa Metro Manila Council para maaprubahan, at hangad na maipatupad ito sa unang araw ng Mayo.

Samantala, sinabi naman ni LTO chief Edgar Galvante, natanggap na nila ang mungkahi ni MMDA tungkol sa pagbibigay ng parehong huling numero ng plaka na ibibigay sa panibagong sasakyan na ipaparehistro ng motorista.

“Natanggap namin ‘yung sulat pero pag-aaralan namin ang mechanics. And in fact, sila rin nag-propose na mag-meeting kami,” ayon kay Galvante.

Kahit pa sabihing “doable” o puwedeng ipatupad ang mungkahi ng MMDA, tinuran ni Galvante na may mga proseso na kailangang baguhin gaya ng pagberipika sa tunay na may-ari ng bagong sasakyan.

“Meron po d’yang kailangang adjustments na gawin. For example, belonging to same household, iibahin lang ‘yung pangalan nung may-ari, anong pagbabatayan mo?” ang pahayag nito. Kris Jose