Paring Muslim na isinasangkot sa Basilan bombing, arestado

Paring Muslim na isinasangkot sa Basilan bombing, arestado

August 2, 2018 @ 5:46 PM 4 years ago


 

Basilan – Dinakip ng mga tauhan ng 7th Scout  Ranger Company ng Philippine Army ang isang Muslim preacher o “Ustadz” na umanoy isinasangkot sa malagim na pagsabog sa isang checkpoint sa Lamitan, Basilan nitong Miyerkules ng umaga.

Nasa kostudiya ngayon ng mga awtoridad si Jainul Malialim Indamin alyas “Abdulgani”, 58, residente ng Sitio Timbakan, Barangay Maganda.

Ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command o Wesmincom, si Indamin ay inaresto dahil na rin sa mga nakuhang impormasyon na siya ay may kinalaman sa pagpapasabog kung saan labing isa katao ang nasawi.

Nakuha mula sa posesyon ni Indamin ay isang granada.

Sinasabi din sa report na nangunguna si Indamin sa pagtulong sa ilang local at international terrorists na makapasok sa bansa sa pamamagitan ng backdoor channeling.

Kaugnay ng insidente ay pormal ng kinasuhan ng Municipal Police Station ng Lamitan, Basilan si Indamin ng mga kasong multiple murder at multiple homicide bukod pa rito ang paglabag sa RA 9516 o illegal possession of explosives. (Jeff Gallos)