Parking attendant na naningil ng sobra-sobra, sinibak ng MTPB

Parking attendant na naningil ng sobra-sobra, sinibak ng MTPB

October 24, 2020 @ 3:20 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinibak na ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang isa sa kanilang Parking Attendant makaraang mag-viral sa social media ang paniningil nito ng sobra-sobra sa isang truck driver na pumarada sa Binondo kamakailan.

Ayon kay MTPB Chief for Operation Wilson Chan Sr., ipinasauli nito ang ID, uniporme, at paniket ng sinibak na parking attendant sa kanilang Area Supervisor matapos na mapatunayan na mali ang ginawa nitong paniningil sa driver.

Muli namang pinaalalahanan ni Chan ang mga motorista na may bago nang ipinapatupad na “parking rates” ang MTPB sa lungsod ng Maynila.

Alinsunod sa Ordinance No. 7988, simula nitong buwan ng Hunyo 2020 ang “Parking fees” ng mga “light vehicles” (Car, Jeep, Motorcycles at Pedicabs) ay sisingilin ng P50 flat rate; ang mga “medium vehicles” (Van, Delivery Truck except ten-wheeler truck) naman ay P75 flat rate; habang ang mga “heavy vehicles” (Bus, 10-wheeler trucks, heavy equipment) ay sisingilin ng P100 flat rate.

Giit pa ni Chan, lehitimo ang mga ginagamit ng mga “parking attendant” na paniket sa mga paparadang motorista kahit ang kanilang tiket ay luma na dahil inuubos na lamang nila ang mga natirang paniket.

Dagdag pa ni Chan, sakali na maningil ng sobra-sobra ang lehitimong MTPB parking attendant sa mga motorista ay maaari nila itong ireklamo sa kanilang tanggapan, dalhin lamang ang tiket na inisyu sa kanila at agad nila itong aaksyunan.    JAY Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...