Parks bukas sa paglalaro sa Gilas Pilipinas

Parks bukas sa paglalaro sa Gilas Pilipinas

August 30, 2021 @ 12:01 PM 10 months ago


MANILA, Philippines — Kahit pumunta si Japan para maglaro sa B-League si Bobby Ray Parks, nilinaw nito na bukas ito para maglaro sa national team na Gilas Pilipinas sa hinaharap dahil isa umano siyang Pinoy.

Ito ang naging statement ni Parks sa kanyang isang television interview.

Kung papayag umano ang ang kanyang bagong team na Nagoya Diamond Dolphins at kung hindi babangga sa kanyang iskedyul, wala umanong hadlang para hindi ito  maglaro para sa bansang Pilipinas.

“As long as my team permits, when the window is open, I would love to represent my country,” ani Parks na huling naglaro sa Gilas noong 2017 Southeast Asian Games.

“I know I’m Filipino, I know I’m true to my culture. I’m true to my country,” dagdag pa nito.

Isa si Parks sa mahusay na manlalaro ng national team kung saan kasama ito nang magkampeon ang Gilas sa SEABA championships at SEA Games.

Sa ngayon, inamin ni Parks na nakatuon ang kanyang pansin para tulungan ang kanyang team na Nagoya sa kampanya nito sa B-League at maglalaro lang siya national team kapag inimbitahan.

Ayon kay Parks, makapagdadala rin umano siya ng karangalan para sa Pilipinas sa paglalaro nito sa ibayong dagat.

“Right now, it’s time for me to represent our country abroad and that’s what I need to focus on because I know it’s a big task at hand,” wika ni Parks.

Maglalaro si Parks sa Nagoya Diamond Dolphins sa first division ng Japan B. League para sa  2021-22 season na sisipa sa October.

Makakasama ni Parks bilang imports sa Japan ang kapwa nito Pinoy na sina Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Juan Gomez de Liano, Javi Gomez de Liano, at Kemark Cariño.JC