PAROL MAKING CONTEST NG 897 BARANGAY SA MAYNILA

PAROL MAKING CONTEST NG 897 BARANGAY SA MAYNILA

September 14, 2022 @ 3:43 PM 2 weeks ago


NGAYON masusubukan ang pagiging malikhain ng mga Punong Barangay sa Lungsod ng Maynila dahil lahat sila ay inaatasang lumahok sa iniliunsad ng Parol Making Contest ng Liga ng Mga Barangay-Manila Chapter.

Hindi puwedeng hindi lumahok ang mga 897 na mga Punong Barangay sapagkat lahat sila ay pinadalhan ng kalatas nina Manila Mayor Honey Lacuna at Department of Tourism and Cultural Affairs Officer-in-Charge Charlie Dungo ang lumagda.

Inilunsad ang naturang patimpalak bilang pagpapakita na ang Lungsod ng Maynila ay kaisa sa maagang pagdiriwang ng Kapaskuhan na nagsimula pa lamang pagpasok ng ‘Ber Month’ na isang kaugalian at naging kultura na sa Pilipinas na itinuturing na bansang may pinakamahabang panahon na inilalaan sa pagdiriwang ng Pasko.

Pero hindi basta-basta na lamang pagandahan ng paggawa ng Parol ang nakasaad sa kalatas ng Liga ng mga Barangay kundi dapat ay may kaugnayan sa halamang Nilad ang lilikhaing ilalahok sa patimpalak bilang paggalang sa pinagmulan ng pangalan ng lungsod na naging tema sa nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

May kaakibat ding sukat na itinatakda ang paligsahan ng paggawa ng Parol na dapat ay hindi lalagpas at hindi rin kukulangin sa sukat na tatlong talampakang diametro na kanilang isusumite sa itinakdang araw sa Setyembre 26, 2022, araw ng Lunes sa sports complex na nasa kani-kanilang distrito.

Puwedeng umupa ng mahuhusay na gumagawa ng parol ang mga kasaling nasabing opisyal ng barangay sapagkat wala naman sa panuntunan na mismong ang mga ito ang gagawa.

Ang magwawagi nga pala sa mga District level na may pinakamagandang nilikhang Parol ay ia-anunsiyo ng lokal na pamahalaan sa Setyembre 30, araw ng Biyernes at ang mga ito naman ang ilalahok sa mas malaking patimpalak sa paggawa ng Parol sa buong Lungsod ng Maynila.

Ang mananalo ay maaaring magkaroon ng malaking halaga ng premyo na ia-anunsiyo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga darating na araw kaya puwede sigurong puhunanan ito ng mga barangay dahil mababawi nilang tiyak ang gagastusin kung sakaling magwagi, bukod pa sa karangalang kanilang tatamasahin.