Partidor kinatay ng pamangkin

Partidor kinatay ng pamangkin

January 17, 2023 @ 10:33 AM 2 weeks ago


SAN MARIANO, ISABELA-Pinaglalamayan na ang isang partidor matapos na saksakin ng kanyang pamangkin na isa ring partidor sa pamilihan bayan ng San Mariano, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Romeo Cabildo, 42 anyos at residente ng Zone 2, San Mariano, Isabela habang ang suspek ay ang pamangkin na si Lito Cabildo, 30 anyos na residente ng nasabing lugar.

Ayon sa suspek ay una siyang tinaga ng kanyang tiyuhin sa kanyang kaliwang pisngi.

Tumakbo pa siya matapos siyang mataga subalit sinundan siya nito at tinaga ulit.

Dahil dito ay gumanti na siya at sinaksak ng tatlong beses ang tiyuhin.

Ayon kay Ginoong Johny Angoluan, nagtitinda ng karne at officer ng meat section ng pamilihan ng bayan ng San Mariano, nakita nilang nagtatalo ang magtiyuhin dahil sa paghihintay ng biktima sa idedeliver ng pamangkin na nakatay na baboy na kanilang ititinda.

Natagalan umanong ideliver ang nakatay na baboy mula sa slaughter house dahil hindi pa ito tapos at nasiraan din ng motorsiklo sa daan ang pinaghihinalaan.

Nakita nila na sa pangatlong saksak ay tinamaan si Cabildo sa kanyang tagiliran.

Agad dinala sa San Mariano Medicare Hospital at sinikap na iligtas ng mga doktor at nurse ngunit binawian din ng buhay ang biktima.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa. Rey Velasco