Partnership deal sinelyuhan na; 34.99% share nakuha ng ABS-CBN sa TV 5

Partnership deal sinelyuhan na; 34.99% share nakuha ng ABS-CBN sa TV 5

August 11, 2022 @ 10:08 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naselyuhan na ng ABS-CBN Corp at TV5 ang partnership deal nitong Miyerkoles.

Nangangahulugan lang ito na ang Lopez-led media company na ABS-CBN ay nakakuha ng shares o pagmamay-ari sa network na pinamumunuan ni Manny Pangilinan na TV 5 network.

Sa inilabas na joint statement ukol sa kasunduan, dahil sa investment agreement ang ABS-CBN Corp ay nakakuha ng 6,459,393 primary (new) common shares sa TV5 na katumbas ng 34.99 porsiyento ng kabuuang total voting at outstanding capital stock ng TV5 na P2.16 bilyon.

Ang MediaQuest, na kasalukuyang nagmamay-ari ng 99.67 percent ng TV5, ay mababawasan ang stock at magkakaroon ng 64.79 percent na pagmamay-ari matapos ang deal.

Ang PLDT Beneficial Trust Fund ng Pangilinan ay nagmamay-ari at kumokontrol sa MediaQuest.

Matapos naman ang walong taon, maaaring makakuha ng karagdagang shares ang ABS-CBN sa TV5 sa 49.92 percent ayon pa sa kasunduan.

Ang pagkuha ng mga karagdagang share, na gagawin sa pamamagitan ng isang convertible note agreement, ay sasailalim naman muna sa mga pag-apruba ng regulasyon.

Kasabay nito, ang cable at satellite TV subsidiaries ng ABS-CBN at PLDT ay pumasok din sa isang katulad na deal.

Sinabi ng Cignal Cable Corp na nakukuha nito ang 38.88 porsiyento ng Sky Cable Corp sa halagang P2.862 bilyon.

“The investment of Sky Cable by Cignal Cable is expected to benefit the former’s existing customer base consisting of over 300 thousand cable subscribers and close to 350 thousand broadband subscribers as of the end of June 2022,” anang MediaQuest. RNT