Party-list survey results patunay ng panloloko ng KABAG sa mga botante

Party-list survey results patunay ng panloloko ng KABAG sa mga botante

April 8, 2022 @ 9:13 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy na niloloko ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang mga botante base sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey.

Ayon kay National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson for Sectoral Concerns, Undersecretary Lorraine Badoy, base sa March 2022 Pulse Asia survey para sa party-list preference at seat allocation, nakakuha ang Gabriela ng 1.46 percentage points na malamang na makapagbigay dito ng two seats kung idaraos ang May 2022 elections sa panahon ng survey period.

Iniulat din sa survey na ang Bayan Muna ay nakakuha ng 1.76 percentage points at Alliance of Concerned Teachers naman ay nakakuha ng .65 percentage points na malamang din aniya na mabigyan ang bawat isa ng ‘seat’ sa Kongreso.

“The latest survey, pinapakita niya talaga kung gaano kalalim yung panloloko na ginagawa ng CPP-NPA-NDF, yang KABAG, sa taumbayan na humaharap sila, hinihingi yung tiwala natin pero hindi nila inaamin na CPP-NPA-NDF sila para makabalik uli sa Kongreso,” ayon kay Badoy sa isinagawang paglulunsad ng Duterte Legacy Caravan Project sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig City.

Ang resulta ng survey, ayon kay Badoy ang dahilan ng pag-committ ng NTF-ELCAC committed na sundin ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag iboto ang KABAG – Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, at Gabriella.

“Ang Pangulong Duterte bababa siya sa June 13 na siya na yata yung pangulo na 72 percent trust and approval ratings so ang ibig sabihin, pinagkakatiwalaan natin siya at sinasabi ko sa inyo na hindi kayo nagkamali sa pagbigay ng tiwala na yan. Kung kaya’t yung kanyang guidance sa atin na huwag nang iboto ang KABAG, inuulit ko lang yan sa sinabi niya. Kung hindi, kawawa tayo,” ang pahayag ni Badoy.

Hinikayat din nito ang mga botanteng filipino na sumali sa pamahalaan na ihinto na at tuluyang tuldukan ang 53 taong paghihirap na idinudulot ng CPP-NPA-NDF at operatiba nito.

“Adhering to the Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2022-035 entitled “Suporta sa Duterte Legacy Caravans”, the Duterte Legacy Caravan Project thru convergence of all government agencies in NCRPO is the first PNP-led program that would continue in different parts of the country until May 1,” ayon kay ulat.

Nakasaad pa rin sa memorandum circular na ang inisyatiba na suportado at lalahukan ng concerned Local Government Units sa lahat ng rehiyon ay alinsunod sa Duterte Legacy na inorganisa ng PCOO, DILG, at PNP.

Layon nito na ipaalam sa publiko ang tungkol sa mga programa, polisiya at pagsisikap ng pamahalaan na dalhin ang tunay na pagbabago sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na kuwento mula sa mga benepisaryo ng “landmark programs” ng administrasyong Duterte at maging pagde-deliver ng basic services ng iba’t ibang government agencies sa panahon ng caravans. Kris Jose