Party-list system pinabubuwag ni Bato

Party-list system pinabubuwag ni Bato

February 23, 2023 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nais ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na alisin na ang party-list system sa 1987 Constitution dahil ang naturang sistema umano ay “redundant.”

“Ito gusto ko baguhin talaga, ‘yung party-list system sana matanggal na yan… Sa nakikita ko parang redundancy na ‘yan sa representation… Meron naman tayong district representation,” ani Dela Rosa sa panayam ng ANC nitong Miyerkules, Pebrero 22.

Naniniwala si Dela Rosa na inaabuso ng ilang politiko ang naturang sistema.

“Masyadong inaabuso ‘yang party-list system na ‘yan. Sana matanggal na yan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, nirerepresenta ng party-list representatives ang 20% ng kabuuang bilang ng mga representatives sa Mababang Kapulungan.

Si Dela Rosa ay miyembro ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.

Samantala, bukod sa party-list system, bukas din ang senador sa ideya ng pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Sa kabila nito, inihayag niyang may mga naaprubahang batas kamakailan na magsisilbing solusyon sa tinatawag na “restrictive economic provisions.”

Pagpapatuloy, sinabi ni Dela Rosa na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung susuportahan ba niya ang mga hakbang na mag-aamyenda sa Konstitusyon dahil sa kakulangan din ng suporta mula sa iba pang senador.

“Gusto ko baguhin pero nagdadalawang isip, fifty-fifty ako. Kasi alam kong hindi makakalusot ‘yan sa Senado dahil lukewarm ang treatment ng aking mga kasamahan pagdating sa Charter Change na yan,” aniya.

Matatandaan na naghain na ng panukala sa Senado si Senador Robin Padilla, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng
Constituent Assembly.

Isinusulong din ni Padilla ang charter change sa kabila ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang pag-amyenda sa 1987 Constitution. RNT/JGC