Parusa, multa sa game-fixing, aprub na sa Kamara

Parusa, multa sa game-fixing, aprub na sa Kamara

November 29, 2022 @ 7:20 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong ng pagkukulong at multa sa sinumang mahahatulan ukol sa game-fixing.

Sa pamamagitan ng 249 na boto ay naaprubahan ang House Bill 4513 na nag-uutos na makukulong ng hanggang tatlong taon at multang P1 milyon ang sinumang mahahatulan sa kasong game-fixing.

Nakapaloob sa House Bill 4513 na sakop ng game-fixing o pustahan sa professional at amateur sports kabilang ang pananadyang ipatalo ang isang laro, pustahan, pagmamanipula sa laro at iba pang game fixing.

Binanggit din sa panukala na maituturing na sindikato kapag meron ng tatlo at higit pa ang tao ang nagsabwatan o nagpustahan.

Niliwanag din sa House Bill 4513 na ang elemento para masabi na ang pustahan ay bahagi ng game-fixing kung may pagkita o kumita sa laro.

“It is the policy of the State to promote the growth and development of sports in the country and protect the youth from the influence of persons who, through fraudulent schemes, machinations and other nefarious practices, undermine the true spirit of sportsmanship and taint the fair and competitive conduct of sports in the country,” ayon sa panukala.

Ang sinumang mahahatulan ay nahaharap sa tatlo hanggang sa anim na taong pagkabilanggo at multang mula P1 milyon hanggang P5 milyon.

Maaari rin umanong tumaas ang panahon ng pagkabilanggo ng hanggang sa 12 taon kung ang sakot ay mismong atleta, promoter, referee, umpire, judge, coach ng laro, race o sports competition.

Sa mga miembro ng sindikato ay posibleng tumaas pa ng hanggang habangbuhay na pagkabilanggo at multang P10 milyon hanggang P50 milyon kung mapatutunayang ang sangkot ay miyembro ng sindikato.

Sa masusumpungan o mahuhuling menor-de-edad na sangkot ay posibleng kasong administratibo ang kaharapin at perpetual disqualifications sa mga sangkot na atleta. Meliza Maluntag