Parusa vs agri smuggling, itaas! – Ejercito

Parusa vs agri smuggling, itaas! – Ejercito

September 5, 2022 @ 3:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador JV Ejercito na muling rerebyuhin ng Senado ang Anti-Agricultural Smuggling Law upang may managot sa pagpupuslit ng produktong agricultural na pumipilay sa local na magsasaka.

Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Ejercito, pangunahing awtor at isponsor ng Republic Act No. 10845 o ang An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling As Economic Sabotage, Prescribing Penalties Therefor And For Other Purposes, na aamendahan ang batas upang panagutin ang sinuman kabilang ang “backer” ng smuggler sa bansa.

“Siguro after the passage, we can amend already, taasan natin ang penalties kung remiss talaga sila kasi parelax-relax ang BOC (Bureau of Customs) at SRA (Sugar Regulatory Administration (SRA),” aniya.

Inamin ni Ejercito na tila nakatuon ang pamahalaan noon sa big time smugglers kaya’t kailangan palakasin ang parusa laban sa criminal kabilang ang sinumang opisyal na mapatutunayang sangkot sa smuggling.

“We can strengthen this time para ang mga officials na remiss with their duties, dapat managot at dapat mapalakas natin kasi ang naging concentration penalties life imprisonment for large scale smugglers,” paliwanag ni Ejercito.

“Unang-una, dapat responsibilidad ng (BOC, SRA) na pigilan ang smuggling, doon pa lamang may remiss na sila kaya kailangan, pag-aralan ulit ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal na ito. Hindi naman siguro magkakaganito kalala ang problema sa agriculture kung nagawa nila ang kanilang tungkulin, we have to review the law,” aniya.

Sinabi pa ni Ejercito na kaya hindi nasasawata ang smuggling sa bansa dahil mas malaki ang ginagastos ng sindikato ng smuggling sa paglalagay sa mga opisyal na nagiging bulag kapag dumating ang kanilang ipinupuslit.

“Dapat may managot, dapat may makulong, this goes will all the government agencies, wala kasing natatakot na magpalusot at mangurakot kasi walang natutuluyan. Kailangan may makasuhan para may magtanda,” giit pa niya.

Malaki pa ang paniniwala ni Ejercito na may malalaking backer ang mga smuggler kaya nakakalusot ang illegal na produkto.

“Well probably,” aniya.

Iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee ang naunsiyaming pag-aangkat ng mahigit 300,000 metriko toneladang asukal sanh ng kakapusan ng suplay sa merkado pero nang kumilos ang BOC, natuklasan na sapat ang suplay sa maraming bodegang nilusob ng ahensiya. Ernie Reyes