PARUSANG BITAY BUHAYIN PARA SA MAHARLIKA FUND

PARUSANG BITAY BUHAYIN PARA SA MAHARLIKA FUND

December 17, 2022 @ 1:50 PM 1 month ago


NAPAKARAMI nang paniniwala ang pinakawalan ng mga politiko at kritiko ng Maharlika Investment Fund.

Gaya ng alam na ng lahat, isinusulong mismo ito ni Pangulong Bongbong Marcos makaraang ilahad ito sa publiko ng ilang mambabatas.

At nitong huli, makaraang sertipikahan ng Pangulo na urgent o kagyat na kailangan ang panukalang batas para rito, anim lang umano na mambabatas ang kumontra sa Kamara.

Sa Senado naman, sa susunod na taon na lang umano pag-usapan ng mga senador ito.

Manggagaling ang pondo ng MIF mula sa pambansang badyet at iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pwera ang Government Service Insurance System at Social Security System.

GAWA NG IBA

Maraming bansa, mga Bro, ang tagumpay sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pamumuhunan na mismong ang pamahalaan ang may hawak.

Ang Singapore lamang, lumago na sa $690 bilyon-$744B ang dating puhunan nito na $137 bilyon na hinugot mula sa Central Bank ng Singapore.

Sa Netherlands naman, ang Government Pension Fund-Global (GPF-G) na nagsimula noong 1970’s mula sa maliit na puhunan mula sa kita ng langis nila, lumagpas na ang asset sa $1 trilyon sa pagnenegosyo ng puhunan dito sa international stock market, real estate at langis mula sa kakaunting halaga lang.

Kasama ngayon ng Norway sa lima sa may pinakamalalaking sovereign wealth investment fund gaya ng Abu Dhabi Investment Authority, China Investment Corporation, Kuwait Investment Authority at SAMA Foreign Holdings-Saudi Arabia.

Ang totoo, marami pang bansa ang may ganitong programa gaya ng France, United States, South Korea, United Arab Emirates, Kuwait, Qatar, Australia, Russia, Kazakhstan, Iran, Libya, Brunei, Azerbajian, Turkey, Austria, New Zeland, Chile, East Timor, Ireland, Colombia, Mexico, Canada, Vietnamn, Malaysia at marami pang iba.

Balak nina Pang. Bongbong na palaguin ang kita ng Pilipinas at magiging katulong ang MIF ng Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at iba pa sa pagkakaroon ng pondo publiko na magagamit talaga sa serbisyo sa taumbayan.

PAGDUDUDA AT BITAY

 Ayon sa mga kritiko, paano makikipagkalakalan ang gobyerno gamit ang MIF kung wala man lang surplus o sobrang produkto ang Pilipinas at maging surplus man lang na produkto ang gobyerno?

May nagsasabi ring wala sa panahon ang MIF dahil lugi o alanganin halos lahat ng negosyo ngayon sa loob at labas ng bansa kaya maaari lang malugi o malagay sa alanganin din ang pondo sa MIF.

Pero pinakamatindi sa mga puna ang pagdududa sa paggamit ng napakalaking pondo na maaaring magsimula sa P250 bilyon.

May nagsasabing pagnanakawin lang ito at wala itong patutunguhan kundi mabangkrap dahil sa mga korap at mandarambong.

At ginamit nga ang naganap sa Malaysiya na dinambong ng dating pangulo ng Malaysia ang malaking tipak ng kanilang state investment fund.

At itong nag-iisang kaso ang pinalalabas na patutunguhan ng Maharlika Investment Fund sa kabila na tagumpay ang halos lahat ng ibang bansa.

Siguro panahon nang muling buhayin ang bitay laban sa mga kokorap at darambong sa pondo ng programang ito para mapawi ang mga pagdududa.