Pasaring ng mga kritiko, pinalagan ni Go

Pasaring ng mga kritiko, pinalagan ni Go

July 17, 2018 @ 10:25 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Pinalagan ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang pasaring ng kanyang mga kritiko na pamumulitika lang naman ang layunin niya sa bawat lugar na kanyang pinupuntahan.

Aniya, ginagawa lamang niya ang kanyang gampanin bilang SAP at kinatawan ng Office of the President kaya’t makikita siya sa mga lugar na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

“Masama bang mangamusta sa mga tao, umikot, tignan ang kalagayan at ano nang progress,” ani Go na kamakailan lamang ay nagpunta sa isla ng Boracay dahil na rin sa imbitasyon nina Labor Secretary Silvestre Bello III at DENR Sec. Roy Cimatu.

Ang imbitasyon para sa event ng Boracay island ay sa ilalim ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP).

Ani Go, inutusan din siya ng Pangulo na silipin ang progreso ng rehabilitasyon ng isla at nagkataon lamang na nandun siya sa event nang mamahagi ng cash cards sa mga displaced workers ng Boracay island.

“Hindi ako humawak ng ni-isang cheke or isang ano. Ni halos hindi ko nga hinawakan ‘yung malaking cheke. Pakita ko sayo iniiwas ko nga yung kamay ko para humawak. At tsaka yung mga individual distribution hindi talaga ako humawak. Alam ni Sec Bello yun ,” anito.

Sinabihan aniya niya si Sec. Bello na ayaw niyang maghawak ng sobre, huwag siyang isali sa distribusyon ng tseke dahil baka mahaluan aniya ng politika mula sa kanyang mga kritiko.

“Careful na careful ako. Ba’t nila gagawan ng storya na ‘draws flak’ ako, na namulitika ako dun. And klaro sa speech ko na walang politika dito, nangamusta lang ako dito,” aniya pa rin. (Kris Jose)