Pasaway na port police, mananagot – PPA

Pasaway na port police, mananagot – PPA

December 20, 2022 @ 2:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binalaan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago ang mga port police na maging tapat sa kanilang tungkulin.

“Hindi ko palulusutin in case may mga gumagawa ng hindi magandang gawain, bagamat may mga kasama tayo na naliligaw ng landas, dapat pinaaalahaanan rin natin. Kailangan lagi tayong nasa tama,” ani GM Santiago.

Pagtitiyak ni GM Santiago, dapat “one call away” lang ang mga Port Police sa mga panahong bumabiyahe.

“Sana ay masundan niyo o matularan ang ehemplo ng mga nauna sa inyo sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo. Bagama’t sinusuportahan ko lahat ng gawain upang mas mapabuti ang ating panunungkulan ay inaasahan kong patuloy kayong magiging bahagi sa ating paglaban sa anumang maling gawain,” dagdag ni GM Santiago.

Samantala, bukod sa mahigit 200 na mga Port Police officer na may suot na body-worn cameras, patuloy rin ang 24/7 na pagbabantay ng PPA sa mga pantalan saanmang panig ng bansa gamit ang closed circuit television (CCTV) cameras na bahagi ng Port Surveillance System (PSS) nito na matatagpuan sa Head Office sa Maynila.

Sakop ng PSS ang nasa 52 sites ng PPA sa buong bansa na may random viewing sa mga pantalan na maaari ring kontrolin ng operator upang i-verify ang ilang report na nakararating sa PPA management at iba pang opisina nito.

“Ang CCTV monitoring natin, ‘yon kumbaga mata natin pagdating sa mga ports natin. Doon natin nakikita ‘yong macro of the ports. Kasi iba parin yung meron parin tayong mga mata na hindi basta basta nakikita,” ayon kay Atty. Diane Steffi T. Guillamon, Head ng PPA Internal Security Affairs Staff (ISAS).

Sa datos ng PPA, lolobo sa 57 milyong pasahero ang inaasahan sa mga pantalan ngayong Disyembre o 200% na dagdag kumpara sa bilang ng mga naitalang bilang ng pasahero nito noong nakaraang taon.

Nakalatag na rin ang Oplan Biyaheng Ayos at ang ipinatutupad na “No Leave Policy” sa mga kawani ng pantalan para matiyak ang kaligtasan sa biyahe ngayong Holiday Season. Jocelyn Tabangcura-Domenden