PASAWAY NA REPORTER, IBINUKING NG NPC, PTFOMS

PASAWAY NA REPORTER, IBINUKING NG NPC, PTFOMS

February 22, 2022 @ 8:23 PM 4 months ago


NAKAPANGHIHILAKBOT ang mga umano’y gawaing kriminal ng isang Pangasinan-based correspondent ng isang national daily na ibinunyag nina National Press Club (NPC) President Paul M. Gutierrez at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Joel Sy Egco.

Kinondena ng dalawa ang mamamahayag, na may initials na “JA,” dahil sa pag-iimbento umano ng mga kaso ng panggagahasa at kidnapping na nauwi sa pagdakip at paglilitis kay Councilor Arkie Yulde ng Lopez, Quezon noong 2021.

Inakusahan din ni Presidential Adviser for Northern Luzon Raul Lambino ang reporter ng paggawa ng kuwento na ginahasa raw ng opisyal ang kanyang kasambahay habang pisikal umanong inabuso at minaltrato ang kanilang mga kasambahay ng asawa nitong si Mayor Marilyn Lambino ng Mangaldan, Pangasinan.

Pinatalsik na ni Gutierrez si JA mula sa NPC dahil sa seryoso nitong paglabag sa Journalism Code of Ethics. Ayon kay Egco, sinibak na rin ng pahayagan ang news correspondent at kinukumpleto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong isasampa nito laban sa mamamahayag.

Ayon sa sources ng Firing Line, matagal nang nauugnay si JA sa mga iligal na gawain na nalulusutan nito sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling balita, kadalasan ay nakakasira sa mga halal na opisyal at sa mga kaibigan nitong nabibilang sa mga lehitimong news organizations.

Nakalulungkot na ang kabuktutang ito ng isang reporter ay nagdulot ng masamang reputasyon sa kanyang sinusulatang pahayagan at sa NPC at idinamay pa ang iba para makibahagi sa kanyang iligal na media operation sa pagbabahagi niya ng mga maling istorya sa kanyang mga kapwa mamamahayag sa norte.

Maraming lokal na miyembro ng media sa Pangasinan ang may integridad na hindi natutumbasan ng anomang halaga. Sinabi sa akin ng ilan sa kanila na malakas ang loob ni JA na gumawa ng mga kahindik-hindik na bagay dahil protektado ito ng isang makapangyarihang politiko sa probinsiya. Marahil kapag natapos na ng NBI at ng PTFoMS ang kani-kanilang imbestigasyon, maglalabasan na ang lahat ng iligal na gawain ni JA.

Saludo sa pamunuan ng NPC at kay Egco sa pagpapanagot sa mga pasaway na miyembro ng media na gumagawa ng mga bagay na nakasisira sa imahe ng mga mamamahayag bilang ikaapat na estado ng gobyerno.