Pasay day sa Disyembre 2 idineklarang special non-working holiday

Pasay day sa Disyembre 2 idineklarang special non-working holiday

November 30, 2022 @ 12:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay na sa darating na Biyernes (Disyembre 2) ay isang special non-working holiday sa lungsod upang bigyan ng daan ang selebrasyon ng ika-159 na Araw ng Pasay.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na pinagtibay ng Senado at ng House of Representatives ang batas na nagdedeklara sa Disyembre 2 ng bawat taon na isang special non-working holiday sa lungsod “Foundation Day of Pasay City.”

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang selebrasyon ng Pasay Day ay pangungunahan ng pagpapailaw ng isang malaing Christmas tree sa harap ng Pasay City Hall ground na susundan ng panghaharana ng tatampukan ng Pasay City symphony band sa Disyembre 1.

Magsasagawa din sa Disyembre 1 ang Pasay Employment Services Office (PESO) sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang one-stop-shop job fair mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon na susundan naman ng isang anniversary thanksgiving mass.

Sinabi din ni Calixto-Rubiano na ang job fair na pangangasiwaan ng PESO ay gaganapin sa Pasay City Astrodome na lalahukan din ng 67 kumpanya.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na kanyang inaanyayahan ang mga residente na naghahanap ng trabaho na bumisita sa job fair site kung saan malaki ang posibilidad na ang mga ito ay matanggap on-the-spot.

Inaanyayahan din ni Calixto-Rubiano ang mga bagong graduates kabilang na rin ang may gustong pagbabago sa kani-kanilang mga career na maging bahagi ng nabanggit na aktibidad. James I. Catapusan