Pasay LGU nakapagbakuna na ng 44% sa target populasyon

Pasay LGU nakapagbakuna na ng 44% sa target populasyon

July 9, 2021 @ 10:50 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nasa 44 porsiyento ng tinatarget ng lokal na pamahalaan ng Pasay na 310,000 populasyon ng lungsod ang nakatanggap na ng bakuna laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, naging posible ang pagbabakunang ito sa mga residente kahit pa pansamantalang sinuspindi ang pagbibigay ng unang dose dahil na rin sa kakulangan at sa delay ng pagdating ng bakuna sa lungsod.

Gayunpaman, sinigurado ni Calixto-Rubiano na agad na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagtuturok ng bakuna kapag dumating na sa lungsod ang suplay ng bakuna nag align sa gobyerno.

Sa pamamagitan ng social media at zoom meetings ni Calixto-Rubiano ay naiparating ng alkalde sa mga zone chairmen ang impormasyon at updates para maipaalam sa mga residente ang kakulangan ng vaccine.

Habang pansamantalang ipinagpaliban ang pagtuturok sa unang dose ng bakuna ay patuloy naman ang pagtuturok ng bakuna para sa mga indibidwal na tatanggap ng ikalawang dose sa ilalim ng “Vacc to the Future” vaccination program ng lungsod.

Napag-alaman din kay calixto-Rubiano na nakapagbigay na ng kabuuang 188,035 vaccines ang lokal na pamahalaan habang mayroon lamang na 131 ang napagkalooban ng ikalawang dose noong Hulyo 7.

Sa panig naman ng hepe ng Public Information Office (PIO) na si Eduardo “Jun” Burgos, patuloy naman ang pagbibigay ng ikalawang dose ng bakuna sa iba’t-ibang vaccination sites sa lungsod na kinabibilangan ng Cuneta Astrodome, Giga Vaccination site sa SM MOA, Pasay City West High School (PCWHS) at sa Resorts World Manila mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon lamang. (James I. Catapusan)