Pasay LGU nakapagtala ng 97.40% recovery rate, zero death

Pasay LGU nakapagtala ng 97.40% recovery rate, zero death

November 28, 2021 @ 1:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng 97.40 porsiyento ng recovery rate sa mga pasyenteng nagpositibo sa kinatatakutang coronavirus disease o COVID-19.

Katumbas ng nabanggit na bilang ng recovery rate ay 21,460 indibidwal sa kabuuang 22,033 kumpirmadong kaso ng COVID-19 na naitala sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, base sa report na isinumite sa kanya ng City Health Office (CHO) nitong Nobyembre 27 ay patuloy ang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na sa ngayon ay mayron na lamang 27 aktibong kaso habang sa 18 sunod-sunod na araw mula Nobyembre 9 ay walang naitalang namamatay sa virus at nananatili na lamang ito sa 546.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod ay dahil na rin sa dedikasyon ng mga doctor, nurses at health workers sa pag-aalaga ng mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Sa 27 aktibong kaso ng COVID-19 na naitala ng CHO ay isang kaso na lamang din ng virus ang nadagdag na sa kasalukuyan ay inaalagaan ng mga health workers para sa kanyang agarang pagrecover at tuluyang paggaling.

Nanawagan naman si Calixto-Rubiano sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa kanilang proteksyon laban sa virus kasabay ng kanyang panawagan sa mga residenteng hanggang sa ngayon ay hindi pa nababakunahan na magparehistro na para sa kanilang baksinasyon sa National Vaccination Days na magaganap sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na umaasa ang lokal na pamahalaan na makakamit ng lungsod ang single-digit na bilang ng kaso ng COVID-19 bago dumating ang araw ng Kapaskuhan. James I. Catapusan