Pasay may bagong police chief

Pasay may bagong police chief

January 12, 2023 @ 3:41 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinalubong ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagkakatalaga kay bagong police chief ng lungsod na si P/Col. Froilan Uy nitong Martes (Enero 10).

Naging saksi si Calixto-Rubiano sa ginawang turnover of command ceremony kay Uy na ginanap sa Session Hall ng Pasay City Hall habang nagpasalamat naman ang mayora kay outgoing police chief P/Col. Byron Tabernilla sa mahahalagang accomplishments na naiambag nito sa kanyang maiksing pag-upo sa puwesto bilang hepe ng lokal na kapulisan.

Ipinangako naman ni Tabernilla sa mayora na ipagpapatuloy niya ang kanyang suporta sa kapulisan ng lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Uy.

Sa naganap na turnover ceremony ay pinagkalooban din ng Medalya ng Kasanayan si Tabernilla dahil sa kanyang exemplary performance sa kanyang pagiging hepe ng lokal na kapulisan ng lungsod.

Sa panig naman ni Uy, sinabi ng bagong talaga na hepe ng kapulisan na kanyang gagawing isang ehemplo ang Pasay police sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko at pananatili ng peace and order upang maging ligtas ang kanilang mga komunidad. James I. Catapusan