Pasay mayor namahagi ng ayuda sa mga nabiktima ng sunog sa Pasay

Pasay mayor namahagi ng ayuda sa mga nabiktima ng sunog sa Pasay

August 20, 2022 @ 10:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Personal na namahagi ng ayuda si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa 39 pamilya na naging biktima ng sumiklab na sunog sa Dimasalang Street Barangay 113 sa lungsod nitong Agosto 18.

Kaagapay ni Calixto-Rubiano ang mga miyembro ng Pasay Rescue Team at ng City Social Welfare and Development Office (SWDO) sa pamamahagi ng food packs, hygiene kits, towels at blankets sa mga nabiktima ng sunog na kasalukuyan pansamantalang nananalagi sa covered gym sa Dimasalang Street Barangay 113 sa lungsod.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na 75 indibidwal ang pansamantalang nanuluyan sa covered court at gym ng Barangay 113 matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga tahanan na naapula dakong ala 8:30 ng gabi.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nagsimula sa bahay ng isang biyudong tricycle driver na nakilalang si Arnold Lisondra dahil sa di-umano’y naiwang nakasaksak na electric fan.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawing tao sa naganap na sunog maliban lamang sa isang asong Husky Akita na si Happy na alaga ni din ni Lisondra.

Ayon sa report ng Pasay City Public Information Office (PIO), umabot sa 30 kabahayan ang natupok ng apoy habang 50 pamilya naman ang apektado ng sunog na tumagal ng dalawang oras.

Patuloy ang imbestigasyon ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP) upang madetermina ang pinanggalingan ng sunog kung saan umabot ang halaga ng pinsala nito sa P125,000. James I. Catapusan