Pasay mayor suportado ang pagpapatupad ng unified vax card

Pasay mayor suportado ang pagpapatupad ng unified vax card

July 10, 2021 @ 1:36 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Nagpakita ng kanyang buong suporta si Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano sa panawagan na pagpapatupad ng unified vaccination card na maaaring gamitin ng mga biyaherong Pilipino mapasaloob man o sa labas ng bansa.

Ito ang inihayag ni Calixto-Rubiano sa panayam sa kanya ng isang estayon sa radio kahapon.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang vaccination records ng lungsod ay kasalukuyan ng naka-link sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para sa mas madaling tracing at beripikasyon.

“Sa ngayon po ay nagti-train na kami ng mga staff upang sa ganoon ay maisama na sa software system na dini-develop ng DICT ang ating vaccination records at sa ganoon ay magiging madali na rin ang pag-input sa database,” ani Calixto-Rubiano.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang lungsod ay kasalukuyang gumagamit ng QR codes sa pag-iisyu ng vaccination record sa pamamagitan ng pasay.emi.com na magpapadali sa kanilang pagsasama-sama ng listahan ng mga nabakunahan ng residente ng lungsod.

“Mas maganda po kapag ginagamitan ng QR code sapagkat hindi na kailangan pang mag-type ng pagkahaba-haba para lang mag-record o di kaya mag-verify,” ani pa Calixto-Rubiano.

Sinabi pa ni Calixto-Rubiano na sa pagkakaroon ng QR code ay mas mapapadali din ang pagdedetermina kung tunay o peke ang vaccination card na hawak ng isang tao.

Sa kaparehong panayam ay binigyan din ng halaga ni Calixto-Rubiano ang mahusay na paggamit ng baksinasyon gayundin ang mahigpit na implementasyon ng health protocols sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod na naging susi kung bakit naging mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong Metro Manila.

Matatandaan na nauna nang ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa mga biyahero na hindi na nila kailangan pang sumailalim sa swab tests kung sila ay fully vaccinated na.

Sa ilalim ng bagong interzonal travel guidelines na inisyu ng gobyerno, ang isang indibidwal na fully vaccinated na ay hindi na kailangan pang magpa-swab test basta ipakita na lamang nila ang kanilang vaccination card o ang quarantine completion certificate na nagpapakita ng vaccination status ng isang may hawak nito.

Gayunpaman, kinuwestyon naman ng ilang gobernador kung papaano ipatutupad ang bagong protocols at kung papaano mapapatunayan kung tunay o peke ang mga ipinapakitang coronavirus vaccination cards ng mga indibidwal.

Sinabi naman ni Quirino Gov. Dakila Cua na siya ring presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na hindi dumaan sa konsultasyon sa mga local government units (LGUs) ang naturang guidelines.

Hiniling din ni Cua na dapat na mayroon na munang proseso na titingin sa pagiging tunay ng vaccination cards bago pa man ipatupad ang IATF order.

Sa panig naman ni Presidential spokesman Harry Roque, pag-uusapan pa ng IATF ang mga isyu na may kaugnayan sa bagong travel at quarantine guidelines ngunit ipinagkagiitan na sa ngayon ay kailangan na munang sundin ng mga LGUs. (James I. Catapusan)