‘Pasay Padyak’ inilunsad sa Pasay

‘Pasay Padyak’ inilunsad sa Pasay

November 21, 2022 @ 12:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang “Pasay Padyak: Moving Forward as One Eco City” bilang bahagi ng isang linggong selebrasyon ng ika-150 anibersaryo ng lungsod sa darating na Disyembre 2.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang aktibidad ay gaganapin sa Nobyembre 26 sa SM By the Bay na magsisimula ng alas-5 ng umaga.

Inimbitahan ni Calixto-Rubiano ang mga mahilig magbisikleta na lumahok sa nabanggit na aktibidad sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa Mayor’s Office ng Nobyembre 18 hanggang Nobyembre 25 mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang mga maaaring lumahok sa aktibidad ay bukas sa mga residente at manggagawa sa lungsod na nasa edad 18 taong gulang pataas na gumagamit ng mountain at road bikes.

Pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano ang mga lalahok sa aktibidad na magsuot ng nararapat na kasuotan, indibdwal man, grupo o uniporme ng organisasyon, habang mayroon namang mga itatalagang marshals na magsisilbing lookout at sisita sa mga siklista na walang suot na helmet.

Mamamahagi din bike kits at certificates ang lahat ng mga nakarehistrong lalahok habang hindi naman papayagan na sumali ng lokal na pamahalaan ang mga may pre-existing conditions tulad ng sakit sa puso o ang mga may mahihinang kalusugan at pangangatawan.

Pinapagdala rin ng kanya-kanyang water container o tumbler ang bawat kalahok at kung sakali man na magkaroon ng aksidente o aberya sa hindi inaasahang pagkakataon ay agad na reresponde ang support vehicle sa siklista upang madala ito sa mas ligtas na lugar. James I. Catapusan