Pasay, Paranaque LGU nakiisa sa paglulunsad ng ‘Kadiwa ng Pasko’ caravan

Pasay, Paranaque LGU nakiisa sa paglulunsad ng ‘Kadiwa ng Pasko’ caravan

November 17, 2022 @ 7:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakiisa ang lokal na pamahalaan ng Pasay at Paranaque sa paglulunsad ng “Kadiwa ng Pasko” caravan nitong Nobyembre 16 na isang inisyatibo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Layunin ng Kadiwa project ang pagpo-promote ng mga lokal na produkto at palakasin ang komunidad ng pagsasaka sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer na suplay ng pagkain.

Ang sistema ng proyektong ito ay mas makatutulong na kumita ng mas malaki ang mga producers dahil hindi na dumadaan pa sa iba’t-ibang sangay ng negosyante ang kanilang mga produkto kundi direkta na sa mga consumers na abot-kaya na lamang ang halaga at may kalidad pa ang mga lokal na produkto.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang “Kadiwa ng Pasko” caravan ni PBBM ay tinawag ng lokal na pamahalaan na “Pasay Kadiwa: Enjoy Mo Ito” na inilunsad sa lugar ng Pasay City Sports Complex.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang caravan ay nilahukan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Pasay City Cooperative.

Kabilang din sa mga lumahok sa caravan ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Hinimok din ni Calixto-Rubiano ang mga residente ng lungsod na bisitahin ang lugar ng “Kadiwa ng Pasko” kung saan makabibili dito ng mga mas murang goods para sa darating na Kapaskuhan.

Ang paglulunsad ng “Kadiwa ng Pasko” caravan ay sabay-sabay na ginanap sa 14 lungsod sa National Capital Region (NCR) at iba pang probinsya kabilang ang Tacloban City sa Leyte, Koronadal City sa South Cotabato, at munisipalidad ng Monkayo sa Davao de Oro.

Idinagdag pa ni Calixto-Rubiano na sa “Kadiwa ng Pasko” stalls ay makabibili na ng mas murang bigas ang publiko sa halagang P25 kada kilo na lamang. James I. Catapusan