Pasayeños hinikayat na makibahagi sa Earth Hour

Pasayeños hinikayat na makibahagi sa Earth Hour

March 17, 2023 @ 12:38 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay na makikibahagi ang lungsod sa pag-oobserba ng Earth Hour sa darating na Marso 25.

Kasabay nito ay hinikayat ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga residente sa lungsod na lumahok at makibahagi sa pagdiriwang ng Earth Hour.

Sinabi ng alkalde na sa paglahok sa darating na Earth Hour ay walang ibang gagawin ang mga residente kundi ang magpatay lamang ng kanilang mga ilaw sa loob ng isang oras bilang isang makahulugang aksyon na magpapakita ng pakikiisa ng mga ito upang makatulong sa pagbawas ng epekto ng climate change.

Ayon kay Calixto-Rubiano, kanyang hinihikayat ang mga negosyante, mga kabahayan gayundin ang kanilang komunidad na magpatay ng mga hindi kinakailangang ilaw ng isang oras o mula 8:30 hanggang alas 9:30 ng gabi.

Matatandaan na ang kaganapan ng Earth Hour ay unang inorganisa ng World Wildlife Fund (WWF) noong 2007 sa Sydney, Australia at simula noon ay naging selebrasyon na ito kada huling Sabado ng Marso.

Sa kasalukuyan ay nasa 185 bansa ang sumusuporta sa selebrasyon ng Earth Hour at kabilang na dito ang Pilipinas.

Ayon sa alkalde, ang pag-oobserba sa Earth Hour ay kabilang din sa mga aktibong programa ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili at proteksyon ng kapaligiran. James I. Catapusan