PASENSYA HABAAN; MGA ARAL SA PANDEMYA ISABUHAY

PASENSYA HABAAN; MGA ARAL SA PANDEMYA ISABUHAY

January 13, 2022 @ 10:12 AM 7 months ago


MISTULANG buhawi ang pananalasa ng mga virus sa ngayon. Sa kasalukuyan, record breaking ang mga datos na inilalabas ng Department of Health sa mga naging biktima ng COVID-19 at mga variant nito tulad ng delta at omicron.

Hayyy, nakapapagod isipin na kung kelan matatapos ang problema natin sa pandemya, nakaaawa naman ang ilan nating mga kababayan na paulit-ulit nang dinadalaw at sinasaktan ng mga virus.

Ano nga kaya kung tanggapin na lang natin ang katotohanan na habambuhay na nating kapiling ang COVID-19? Ano sa tingin n’yo dear readers? Kesa naman lagi tayong bigo sa pag-asang mawawala rin ito sa mundo.

Bakit nga ba hindi? At bakit natin hahayaan na tuluyan tayong talunin ng salot at magunaw ang masaya nating mundo? Ngayon pa na marami na tayong patunay at kinaya nating makaahon at mabuhay sa kabila ng sakit at hirap sa pandemyang ito.

At sa mga kababayan nating napinsala nang husto na lumalaban pa rin magpahanggang ngayon, ituring na lang ang nakaraan na isang bangungot. At para sa iba, isa itong bigong pag-ibig na laging naaalala paminsan-minsan, sabi nga sa isang kanta. Anong sey n’yo dear readers?

May mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkakakasakit. Mahirap nga lang makamit ang perpektong resulta dahil sa iba’t ibang pananaw at reaksyon ng ilan nating nating kababayan sa mga impormasyon at panuntunang ibinabahagi ng pamahalaan at siyensya laban sa sakit. Pasasaaan ba at mapupuksa rin ang mga kolokoy na virus dahil sa talino at malasakit ng mga siyentipikong nananaliksik para sa dagdag na bakuna, tableta o kapsulang gamot para sa COVID.

Kailangang patuloy na magtiis, habaan ang pasensya at mas maging maingat. Matuto tayo sa mga aral mula sa syensiya at ating kapwa. Kung lalabas ng bahay, magdala ng rubbing alcohol, magsuot ng facemask at anomang eye protection, sundin ang proper handwashing at social distancing at iba pang health protocols sa lahat ng oras. At higit sa lahat, laging magdasal.

Magkaisa po tayong lahat sa pag-iingat!