Pasko, ‘di isang ‘commercial celebration’ – Obispo

Pasko, ‘di isang ‘commercial celebration’ – Obispo

September 6, 2021 @ 10:16 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – “Hindi isang ‘commercial celebration’ ang Araw ng Pasko.”

Ito ang paalala ni incoming Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng pasko sa bansa tuwing sumasapit ang buwan ng Setyembre.

Sinabi ni Bishop David na hindi sinusuportahan o kailanman hinihikayat ng Simbahan ang maagang pagsisimula ng pasko  sa bansa taliwas  sa Liturgical calendar ng Simbahang Katolika.

“Ewan kung saan nagmula yung idea na ang pasko ay nagsisimula na basta dumapo na sa month na may ‘Ber’ – September, October, November, December apat na buwan ka magpapasko. Talagang hindi siya tama and it has nothing to do with the Liturgical calendar of the Catholic Church ni-kailan hindi nag-encourage ang Simbahang Katolika na simulan ang pagdiriwang ng pasko sa September dahil ang pasko ay it’s not even the whole of December.” Ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa Radio Veritas.

Bago pa man pa man ang pagdiriwang ng pasko tuwing buwan ng Disyembre ay may ginugunita pang panahon ng Adbiyento na apat na linggong paghahanda sa araw ng pagsilang ng Anak ng Diyos na si Hesus, paliwanag ng Obispo

Anang Obispo, ang ‘commercialization’ ang maituturing na dahilan sa nakasanayang maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng pasko sa bansa upang masulit o masamantala ng mga mamumuhunan ang pangungumersyo sa bawat isa.

Giit ni Bishop David, hindi isang ‘commercial celebration’ ang Araw ng Pasko na nakasisira hindi lamang sa liturgical season ng Simbahan kundi sa tunay na kahulugan at mensaheng hatid ng Araw ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus upang isakatuparan ang pangakong kaligtasan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsisilbing tagapagligtas ng sangkatauhan mula sa kasalanan.

Hindi isang commercial celebration ang pasko, ilagay natin sa tamang lugar parang wala na sa mga lugar ang mga bagay bagay.” anang Obispo.

Ang apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ay sumisimbolo sa panahon ng paghihintay ng mga Kristiyanong Katoliko sa kapanganakan ni Hesus na isang makahulugang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko o pagsilang ng Anak ng Diyos na may hatid na pag-asa, pag-ibig at kapayapaan sa sangkatauhan. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •