PASKO PALAPIT NA, TRAFFIC SA MAYNILA GRABE NA 

PASKO PALAPIT NA, TRAFFIC SA MAYNILA GRABE NA 

November 23, 2022 @ 1:19 AM 4 days ago


MARAMING kalye sa Maynila ang nagbabara na dahil sa dami ng mga sasakyan na lumalabas na patunay na halos balik na sa normal ang takbo ng buhay sa Pilipinas.

Isa pang dahilan nang pagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko ay ang nalalapit na Kapaskuhan.

Sa Maynila, nararamdaman na ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na sa R-10 kung saan dumaraan ang karamihan ng mga malalaking trak at delivery van.

Mapansin sana ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit lalo ng hepe nito na mabigat ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar dahil sa kawalan ng disiplina ng mga driver ng mga sasakyang nagdaraan patungo sa Port Area o sa Manila International Container Port.

Posibleng dahilan din nang pagsisiksikan ng mga malalaking trak at iba pang sasakyan ay dahil sa kawalan nang nagpapatupad o nagmamando ng trapiko.

Sa madaling salita, walang pakialam ang mga pulis ng Manila Traffic at maging ang mga traffic enforcer kung sakupin man ng mga malalaking sasakyan ang buong kalsada kung kaya nagbubuhol-buhol ang mga sasakyan at karamihan ng driver ng mga sasakyang sedan ay naiinis dahil nagigitgit sila.

Ang tanging nagmamando sa trapiko sa papasok ng R10 mula sa North Luzon Expressway ay isang traffic enforcer ng Valenzuela City.

Subalit pagkapasok na, karambola na at maging ang mga pulis na nakatalaga sa MPD Station 1 na nakasasakop sa lugar ay wala ring pakialam.

Dapat makarating ito sa kaalaman ni MPD director na si PBGen. Andre Dizon na ang hepe niya ng traffic at maging ng Raxabago ( kahit hindi niya trabaho) ay walang pakialam sa kaayusan at kapayapaan sa lugar na kanilang nasasakupan.