Paskuhan 2022, 1500 MPD personnel ipakakalat sa Divisoria, matataong lugar

Paskuhan 2022, 1500 MPD personnel ipakakalat sa Divisoria, matataong lugar

November 27, 2022 @ 4:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihahanda na ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang ilalatag na seguridad sa Divisoria para sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili ngayong Christmas season at Paskuhan 2022.

Sa panayam kay MPD spokesperson P/Major Philipp Ines, dalawang istasyon ng pulisya ang maghahati para sa deployment.

Aniya sa Moriones Tondo o Station 2 sa pamumuno ni P/Lt Harry Lorenzo III ay magpapakalat ng 70 personnel habang 80 personnel naman ang idedeploy ng Station 11 sa pamumuno naman ni PLt/Col.Rexson Layug sa bawat kahabaan at panulukan ng Divisoria.

Ayon pa kay Ines, may augmentation din mula sa MPD o tinatawag na district standby reserved force na puwedeng ibigay sakaling kailanganin pa ng dagdag puwersa gayundin ang mga nasa opisina ay maari ding aniyang ilabas.

Pero pagsapit aniya ng paglulunsad ng Paskuhan 2022 o full blast deployment na magsisimula sa Disyembre 16 o Simbang Gabi at matatapos sa Enero 6 ay madadagdagan na ang bilang ng kapulisan na ipapakalat sa mga matataong lugar at ito ay aabot sa 1,500 personnel.

Partikular dito ang mga malls, Simbahan, bus terminals, hubs, parke at iba pa.

“Lahat ng pamamaraan ginagawa natin para mabantayan ating mga kababayan at mayroon tayong coverage security plan siyang”, sabi ni Ines.

Mahalaga aniya ito sa pagdagsa ng tao lalo na sa Divisoria na palakasin ang presensya ng kapulisan sa mga panulukan, kahabaan na may nakikitang nakaposte mula sa hanay ng MPD. Jocelyn Tabangcura-Domlenden