Paslit, dinukot ng palaboy

Paslit, dinukot ng palaboy

July 27, 2018 @ 2:24 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Isang palaboy ang pinaghahanvap na ngayon ng mga awtoridad matapos na tangayin ang isang 3 taong gulang na batang lalaki mula sa harapan ng kanilang tahanan sa Sta. Cruz, Manila nitong Huwebes.

Kaagad namang dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 3 ang nanay ng biktima, upang ireklamo ang ginawang pagtangay ng binabaeng suspek na kilala lamang sa alyas na ‘Marian,’ sa kanyang anak na itinago sa pangalang ‘Biboy.’

Batay sa reklamo ng ginang, dakong 9:00 ng umaga kamakalawa nang huli niyang makita ang anak na nakatambay sa labas ng bahay kasama ang iba pa nilang kamag-anak.

Maya-maya umano ay may nakakita na kinarga ng suspek ang bata, at saka lumakad nang palayo sa lugar.

Simula noon ay hindi na umano nakita pa ang paslit, kaya’t kaagad itong ini-report sa pulisya.

Batay naman sa nakalap na kuha ng CCTV sa barangay, nakitang sumakay ng jeep na may biyaheng Lardizabal ang suspek, karga ang nawawalang paslit.

Natuklasan naman na sangkot na rin ang suspek sa ilang serye ng pagnanakaw sa area ng Sta. Cruz at Sampaloc.

Pinaghahanap naman na ng mga awtoridad ang suspek para panagutin sa ginawang krimen, at upang maibalik ang biktima sa kanyang nag-aalalang pamilya. (Macs Borja)