Paslit ginahasa ng magsasaka

Paslit ginahasa ng magsasaka

November 3, 2022 @ 12:50 PM 1 month ago


TUAO, Cagayan- Naabutan pa ng ama ng apat na taong gulang na babae ang suspek na hubo’t hubad na nakapatong sa kanyang anak, nitong Miyerkules sa bayang ito.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Tuao Municipal Police Station ang 48-anyos na suspek na itinago sa pangalan Dodong, magsasaka at residente sa Brgy. Naruangan, Tuao, Cagayan.

Ayon kay PMAJ Jhunjhun Balisi, hepe ng PNP Tuao, iniwan saglit ng ama ang kanyang anak kasama ang isang pang menor-de-edad na anak sa kanilang kubo sa gitna ng bukid para kumuha ng pagkain.

Ilang minuto ang makalipas, laking gulat na lamang niya ng makita ang suspek nakapatong na sa kanyang anak at wala na rin saplot.

Sa galit ng ama kumuha siya ng itak at tatagain sana ang suspek subalit mabilis itong nakatakbo patakas.

Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad at inireklamo ang suspek.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at nahuli nila ito sa Brgy. Bualao, Aurora, Isabela.

Nahaharap ngayon sa kasong statutory rape ang suspek. Mary Anne Sapico