Paslit na tinangay ng palaboy, natagpuan na sa Muntinlupa City

Paslit na tinangay ng palaboy, natagpuan na sa Muntinlupa City

August 1, 2018 @ 3:33 PM 5 years ago


Muntinlupa City – Natagpuan na ang paslit na tinangay ng umano’y palaboy, may isang linggo na ang nakakaraan sa Sta. Cruz, Maynila.

Natagpuan sa Upper Sucat Muntinlupa City ang paslit na si Biboy kasama pa ang palaboy na si alyas ‘Marian’ ng bandang alas-10:00 ng umaga ng Miyerkules.

Depensa ni ‘Marian’, nitong nakaraang Huwebes ng bandang alas-9:00 ng umaga, nagawa nitong pasanin sa kanyang balikat ang paslit, pero ibinaba din umano niya ito.

Nagulat na lamang siya, nang sinusundan na umano siya ng biktima, kaya nang sumakay umano siya ng jeep, ay sumama na ang bata hanggang sa makarating sila sa Muntinlupa, at dito na sila namataan at ipinagbigay alam kay P/Sr.Insp. Ouano.

Nauna rito, nagpasaklolo ang isang  Beverly Dela Rema, ng 1863 Dimasalang St. sa Sta. Cruz, upang ireklamo ang ginawang pagtangay ng suspek, na kilala lamang sa alyas na ‘Marian,’ sa kanyang anak, nang bandang alas-9:00 ng umaga sa tapat mismo ng kanilang bahay.

Gayunman, kitang kita sa CCTV , na nakasunod lamang ang bata sa suspek, kaya masusi itong iniimbestigahan kung totoo ang sinasabi ng bading na palaboy na hindi muna binanggit ang tunay nitong pagkakakilanlan. (Rene Crisostomo / Revia Mae Sibal)