Paslit nalunod sa ilog, patay

Paslit nalunod sa ilog, patay

July 5, 2022 @ 3:09 PM 1 month ago


NUEVA ECIJA – Dead on arrival ang isang Grade-3 student makaraang aksidenteng malunod di-umano sa ilog, sa Doña Josefa Bridge, Sitio Libis, Barangay San Vicente, Gapan City nitong Lunes, July 4.

Sa ulat ng pulisya, ganap na 1:30 ng hapon ng makatanggap sila ng tawag sa cellphone at naipagbigay alam ang nasabing pangyayari.

Kaagad naman na rumesponde ang mga kapulisan ng Gapan City sa lugar na kung saan di-umano nangyari ang nasabing insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na 12:30 ng hapon ng mangyari ang insidente.

Kinilala ang biktima sa pangalan na Jaycee, siyam na taong gulang, grade-3 student at residente ng Barangay Alua, San Isidro, Nueva Ecija.

Napag-alaman pa, na bago mangyari ang nabanggit na insidente ay magkakasamang nagtungo sa nabatid na lugar ang biktima at ang kanyang kapatid na babae at mga kaibigan nito upang maligo umano sa naturang ilog.

Sa salaysay ng mga kasama ng biktima, ay nagtungo umano ito sa kalagitnaan ng nasabing ilog at hindi nila napansin na nalulunod na pala ng biktima.

Ayon pa sa mga ito, na kaagad silang humingi ng tulong at assistance sa mga kapitbhay upang masagip ang kaawa-awang bata.

Kaagad rin na naisugod ng mga rumespondeng kapulisan ang biktima sa Gapan City District Hospital para sa pangunang lunas at gamutan nito subalit ito ay idenekla ng attending physician na dead on arrival.

Kaagad rin na ipinaalam sa pamilya ng biktima ang nakalulungkot na pangyayari. Elsa Navallo