Paslit tusta sa LPG

Paslit tusta sa LPG

June 5, 2022 @ 3:00 PM 3 weeks ago


ALOGUINSAN, Cebu-Nalitson ng buhay ang 3-anyos na batang lalaki matapos hindi makalabas sa loob ng kanilang bahay nang sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (lpg) at tupukin ng apoy na naging sanhi ng sunog Biyernes sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Izach Pantin Pielago, 3, habang nakaligtas ang mga kapatid nito na sina Michael Richard, 10, at Rio Jenjie, 8, pawang mga residente sa Barangay Poblacion, Aloguinsan, cebu.

Batay sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) Aloguinsan City, bandang 8:00 PM naganap ang sunog sa bahay ng magkakapatid na Pielago.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang apoy nang sumabog ang tangke ng lpg dahil sa napabayaan nakasindi habang nagpapakulo ng tubig.

Kwento ng ina ng mga bata na si Ann Marie Alvarado , inutusan niya ang 15-anyos na pamangkin na umuwi sa kanilang bahay para mag-init ng tubig at dalhin sa barangay health center kung saan siya nanganak na nasa harapan lamang ng kanilang bahay.

Pag-uwi ng pamangkin, tinawag naman nito ang panganay na si Michael at ito ang inutusan na mag-init ng tubig hanggang sa napabayaan nito dahil abala rin sa pag-aalaga sa tatlo pa nitong kapatid na maliit kasama ang namatay.

Ilang minuto lamang ang nakalipas biglang sumabog ang tangke ng lpg at dahil gawa lamang sa light materials ang bahay mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan.

Nagawa naman makalabas ng magkapatid na Michael at Rio subalit naiwan si Izach na naging sanhi ng kamatayan nito.

Sa pagresponde ng mga kawani ng pamatay-sunog naabutan na na lamang nilang tumpok ang buong bahay at nadiskubre ang sunog na bangkay ng bata.

Dakong 9:30 PM dineklara fireout ang sunog at tinatayang nasa P150,000.00 ang halaga ng mga ari-arian tinupok ng sunog. /Mary Anne Sapico