Pastillas 2: Bagong modus ng BI sa outbound human trafficking, ibinulgar ni Hontiveros

Pastillas 2: Bagong modus ng BI sa outbound human trafficking, ibinulgar ni Hontiveros

November 29, 2022 @ 6:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Panibagong modus operandi sa papaalis na human trafficking victims patungong Myanmar ang ibinulgar ni Senador Risa Hontiveros na itinuturing nitong Pastillas Part 2 dahil sangkot na naman ang ilang matataas na opisyal ng Bureau of Immigration at airport terminal personnel.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na natuklasan sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na may kumakalap ng tauhan para sa telemarketing company sa Mae Sot, Thailand ngunit bigla silang nasasadlak sa crypto-scamming job sa Myanmar.

Ipinaliwanag ni Paulo, isa sa biktima ng human trafficking sa Myanmar, na pinagsabihan siya ng kanyang recruiter, isang nagngangalang Laisa Magallanes na mayroong “escort” na tutulong sa kanya sa immigration upang mapadali ang kanyang pag-alis mula sa Pilipinas. Sinabihan din siya na P30,000 ang ibabawas sa kanyang sahod para sa naturang serbisyo.

“Kahit hindi dumadaan ng immigration counter, natatakan ang passport ni Paulo ng official exit stamp ng BI. May umasikaso sa kanya sa airport, hindi siya pinapila sa immigration, at binigyan siya ng pekeng ID ng WHSmith, isang tindahan sa NAIA Terminal 3, para magpanggap siyang empleyado. Biglang natakot si Paulo sa prosesong pinapatahak sa kanya, kaya’t sinabihan niya ang recruiter na di na siya tutuloy,” paliwanag ni Hontiveros.

“Para itong pastillas part 2, pero mas malala at mas mapusok. May kinalaman din ba ang mga airport security o personnel? Nasa bulsa at kakuntsaba ba ng mga BI o airport officials ang mga illegal recruiter? Ang sakit na napapahamak ang napakaraming Pilipino sa ibang bansa dahil sa kapwa nating Pilipino na nananamantala dahil sa pansariling interes,” dagdag ng senador.

Noong nakaraang linggo, nagbigay ng privileged speech si Hontiveros, awtor ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, hinggil sa sinapit na isang alyas Rita at 11 OFWs na pinangakuan ng trabaho sa Thailand pero ipinuslit sa Myanmar saka naging crypto scammers ng isang Chinese syndicate na nakabase sa Shwe Kokko, isang bayan sa Kayin State ng Myanmar.

Sinabi ni Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang ganitong pangyayari dahil kahit kakatapos lamang ng pagdinig ng Senado sa human trafficking– mula sa Pastillas scam hanggang sa menor-de-edad na ipinupuslit sa Syria – ilang tiwaling indibidwal ang patuloy na gumagawa ng krimen.

“Bakit kaya ang lakas ng loob ng mga illegal recruiter at ng mga tila kasabwat na immigration o airport officials? May protektor ba sila? Kasama pa ba dito ang original pastillas gang? I want to know if these are the same players or if this is a new syndicate with a new game. Bakit wala silang kadala-dala?” giit ni Hontiveros.

“Unfortunately, many Filipinos go through this illegal process, no matter how dubious, because of desperation. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas at sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin habang walang pag-usad ang sweldo ng mga manggagawa, hindi sila masisisi kung pinili nilang dumaan sa butas ng karayom para lang may maibigay sa kani-kanilang pamilya. This is also a challenge for us in government not only to clean up our immigration system, but also to urgently provide adequate and dignified jobs and livelihood for every Filipino,” patapos ni Hontiveros. Ernie Reyes