Pastor kulong sa P14M shabu

Pastor kulong sa P14M shabu

March 18, 2022 @ 11:56 AM 3 months ago


CEBU CITY –Kulungan ang kinabagsakan ng isang pastor na tinagurian high value target sa ginawang buy bust operation ng mga awtoridad Miyerkoles ng gabi sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Mark Secretaria Duaban, 42, residente Sitio Riverside, Barangay Duljo-Fatima, Cebu City.

Ayon kay Regional Police Drug Enforcement Unit-Central Visayas (RPDEU-7) chief Ronnie Failoga, naaresto ang suspek sa buy bust operation sa nasabing lugar.

Nakuha mula sa suspek ang hinihinalang shabu na may bigat na 2.075 kilos at nagkakahalaga ng P14.1-milyon.

Si Duaban ay kilala sa kilalang sa kanilang Sityo bilang “pastor” ng isang religious congregation at tinatawag nila itong “Maayong Balita” .

Sinabi pa ng pulisya na nakulong si Duaban taon 2016 pero hindi malinaw kung droga ang kinasasangkutan nito.

Si Duaban ay pinsan rin ni Rowen “Yawa” Secretaria, na kilalang drug personality sa Cebu at nasa 3rd most wanted list na napatay sa engkwentro sa anti-drug operation sa Banacon Island Getafe, Bohol noong May 2016.

Inamin rin ng suspek na naging subordinate siya ni Cresistomo “Tata Negro” Llaguno, na isang drug personality na napatay habang nangangampanya bilang independent candidate councilor sa lungsod noong 2010.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag Republic Act 9165, the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Dauban./Mary Anne Sapico