Patagong pera ng PDLs nadiskubre, P300K nasabat sa 6 na BuCor guards

Patagong pera ng PDLs nadiskubre, P300K nasabat sa 6 na BuCor guards

January 23, 2023 @ 6:25 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Kinumpiska ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mahigit P300,000 cash na ibinigay sa jail guards at iba pang tauhan upang ipatago ng ilang persons deprived of liberty (PDLs).

Ayon kay BuCor Officer-In-Charge Gregorio Catapang Jr. nitong Lunes, Enero 23, nakuha sa anim na jail guards ng BuCor ang naturang pera.

“Yung ‘gcash’ scheme na na-discover namin, nag punta nga kami sa kulungan, na discover namin ang daming pera. Tinatago sa locker ng mga BuCor, yung mga gwardya o empleyado. Pera ng PDL na pinapatago sa gwardya,” ani Catapang.

Maghahain ng kaso ang BOC laban sa mga sangkot na jail guards.

“Oo, kakasuhan namin kasi kailangan mag sample na,” sinabi pa ni Catapang.

Sa naturang modus, nagpapatago ang mga PDL ng pera mula sa kamag-anak o pamilya ng mga ito sa labas, na ipinapadala naman sa pamamagitan ng mga gwardya kapalit ang handling fee.

Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa hiwalay na ambush interview, ang naturang modus kung saan kumukuha ng bayad ang mga gwardiya o tauhan ng preso, para tumanggap ng pera mula sa pamilya ng mga PDL.

“‘Yung mga kamaganak na nagpapadala ng pera dito sa loob, kinakaltasan ng 12% to 20%,” ani Remulla.

“Yung corruption sa loob, lalo na sa PDLs, talagang sobra. We really have to address this… At first glance pag pasok nila, abusado kaagad. Pagkatapos nila mahuli, inaabuso na kaagad ang mga PDL natin,” dagdag pa niya. RNT/JGC