PATAKARAN NG EU SA VACCINE CERTIFICATE TUTULAN

PATAKARAN NG EU SA VACCINE CERTIFICATE TUTULAN

July 9, 2021 @ 6:42 PM 1 year ago


DAPAT bantayan at tutulan ng Pilipinas ang hindi makatao at madiskriminasyong patakaran ng European Union kaugnay ng  coronavirus disease-19 o COVID-19 vaccine certificate.

Gusto man natin o hindi, marami ang matatamaan sa atin ng nasabing vaccine certificate, lalo na ang mga overseas Filipino worker at negosyante na kailangang bumiyahe sa labas ng bansa para magtrabaho o maghanap ng mamumuhuan mula sa ibang bansa.

Matatamaan din ang biyahe maging ng mga taga-pamahalaan na maghahanap sa ibang bansa ng anomang mapakikinabangan ng Pilipinas.

Magkakaroon din ng problema ang turismo, kalakalan, edukasyon, relihiyon at iba pa na papasok at palabas ng bansa.

ANG PROBLEMA

Sa ngayon, higit na nakararami sa 27 miyembrong bansa sa European Union ang nagbabawal na pumasok sa kanila ang sinomang dayuhang hindi bakunado ng mga gawang bakuna ng United States, European Union at United Kingdom na inaprubahan ng European Medicines Agency.

‘Yun bang === kung bakunado ka ngunit gawa ang bakuna sa China, Russia, India at iba pang bansa, itsapwera ka sa nasabing mga bansa sa EU.

Sa ibang salita, mga Bro, kung OFW ka o estudyante o negosyante o  opisyal ka ng ating pamahalaan o siyentista o turista, haharangin ka sa mga border kapag nandoon ka na.

Maaaring mangyari rin na mismo sa loob ng bansa, hindi ka na iisyuhan ng Schengen visa o kanya-kanyang visa ng mga bansa sa EU.

Tatanggihan kang magkaroon ng nasabing visa ng mga embahada na nakatayo sa Pilipinas.

Ang tingin ng EU, isa kang tagadala o carrier ng COVID-19 o mga variant nito, kasama na ang India o Delta variant na mas mabagsik at nakahahawa ng higit na marami kaysa sa orig na virus o iba pang variant nito.

Duda ang mga taga-EU sa bisa at kaligtasan ng mga bakunang ‘di aprubado ng EMA.

WHO PUMALAG

Unang pumalag dito ang World Health Organization.

Katwiran ng WHO, dapat lahat ng mga bakunang inaprubahan nito para magamit laban sa COVID-19 ay kilalanin din ng EU at EMA.

Aprubado ng WHO ang Pfizer, Moderna at Johnson and Johnson na gawang US, AstraZeneca at Pfizer na gawang United Kingdom at Europa, Sputnik V na gawang Russia, AstraZeneca na gawa ng India at Sinovac at Sinopharm na gawang China.

Kaya naman dapat na tanggapin ng EU na pumasok sa kanila ang mga bakunado na ng mga bakunang inaprubahan nito.

Kung hindi, magkakaroon ito ng hindi magandang epekto sa lahat ng bagay sa mundo, lalo na kung may tutulad sa ginagawa ng EU.

INDIA AT UK PUMALAG DIN

Unang pumalag ang nasa limang milyong mamamayan ng UK na bakunado ng AstraZeneca o Covishield na gawang India.

Nitong huli, pumalag din mismo ang India na nagbabakuna ng sarili nilang mga mamamayan ng gawa nila na AstraZeneca (Covishield) at Covaxin.

Nasa 250 milyong Indian ang nabakunahan na ng Covishield samantalang 100 milyon ang sa Covaxin.

Sabi ng India, kung hindi tatanggapin ang mga Indian sa EU na may dalang vaccine certificate na nagmula sa India vaccines, maaari ring hindi tanggapin ng India ang mga bakuandong Europeo na may ibang vaccine certificate.

Malaki ang palitan ng mga kalakal sa pagitan ng India at EU at maging sa turismo at lakas-paggawa o international labor.

Ganito rin ang sa pagitan ng EU at UK.

LUMALAMBOT

Dahil sa mga pagpalag, may pasubali na ang EU mismo sa pagsasabing istrikto lang ang patakaran sa paggamit ng EU vaccination certificate at hinahayaan ang mga miyembrong bansa na magpasya kung sumunod sila o hindi.

Kaya naman, pumayag na ang mga bansang Austria, Germany, Slovenia, Greece, Ireland, Spain. Iceland at Switzerland, maging ang Estonia, na tanggapin ang mga nabakunahan ng AstraZeneca (Covishield).

Maaaring ganito na rin ang mangyari sa limang milyong British na bakunado ng nasabing bakunang India.

PAANO ANG PINAS?

Isang tanong sa mga taga-EU: Sila lang ba ang pupwedeng pumasok sa ibang bansa gaya ng Pilipinas porke bakunado sila ng mga bakunang aprubado ng EMA?

Pero kabaligtaran ito sa mga Filipino na bakunado ng ibang tatak ng bakuna.

Unfair, hindi patas ang ganitong patakaran o sistema.

Tiyak na kabilang sa mga matatamaan dito ang mga bakunadong Pinoy na nagnanais na pumasok sa nasabing lugar para maghanap ng empleyo at iba pang mga layunin.

Naiintindihan natin na isang matinding pag-iingat laban sa pandemya ang kanilang desisyong mangharang subalit magbubunga naman ito ng matinding diskriminasyon at hindi makataong pakikitungo sa iba sa kaduda-dudang basehan.

Magandang samahan natin ang WHO at India at iba pang tumututol sa maling patakaran.