Patas na imbestigasyon sa Percy Lapid case, sigaw ng mga kaanak ni Bantag

Patas na imbestigasyon sa Percy Lapid case, sigaw ng mga kaanak ni Bantag

November 10, 2022 @ 12:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nananawagan ang mga taga-suporta at kaanak ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag para sa malinis at patas na imbestigasyon sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid kung saan inaakusahang mastermind ang opisyal.

Batay sa ulat nitong Huwebes, nagtipon-tipon ang mga kaanak at atag-suporta ni Bantag sa Baguio City upang ipakita ang suporta para sa kanya.

Iginiit ng lola ni Bantag ang umano’y kawalan ng katarungan sa pagdawit sa kanyang apo sa kaso at binigyang-diin na hindi “corrupt” ang kanyang apo.

Ipinakita rin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang suporta para kay Bantag, at sinabing naranasan din niya ang nararanasan ni Bantag nang siya ay nasa Philippine National Police (PNP) pa.

HIndi dumalo si Bantag sa event subalit nagpasalamat sa suportang natanggap.

Nagkasa ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ng murder complaints laban kina Bantag at iba pa sa pagpatay kay Lapid at umano’y middleman na si Cristito Villamor Palaña, na isang person deprived of liberty sa New Bilibid Prison (NBP).

Pinatay sa pamamaril ang radio commentator, na si Lapid, na Percival Mabasa sa tunay na buhay, sa Las Piñas City noong Oktubre 3.

Nasawi naman si Villamor sa loob ng NBP noong Oktubre 18, ilang oras matapos iharap sa media ang self-confessed gunman na si Joel Escorial kasunod ng kanyang pagsuko.

Batay sa  autopsy na isinagawa ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun, natuklasan na ang bangkay ni Villamor ay may “history of asphyxia by plastic bag suffocation.” RNT/SA