PATAY KANG BATA KA SA OMICRON BA.4/5

PATAY KANG BATA KA SA OMICRON BA.4/5

July 28, 2022 @ 5:38 PM 2 weeks ago


HUWAG na huwag nating ismolin ang Omicron BA.4 at BA.5.

Hindi umuubra ang paniniwalang tila ordinary na lang na lagnat, sipon, sakit sa ulo at iba pa ang nasabing mga variant ng COVID-19 at sabihing mamuhay na lang tayo na kahalubilo ang mga virus na ito.

Bakit?

AUSTRALIANO, KANO NIYAYARI

Sa Australia, sinasabing 95 porsyento ang may doble bakuna at 71 porsyento ang may booster bakuna laban sa COVID-19.

Pero kinatatakutan ang BA.4 at BA.5 dahil daan-daan Australiano ang binubuwal nito araw-araw.

‘Yung bang = nasa 300,000 ang nagpositibo sa nakaraang pitong araw at may patay na 100 kahapon at 102 nitong Sabado.

Nasa 5,600 naman ang nasa ospital habang may 10,000 na hindi nakapapasok sa trabaho Victoria state lamang dahil sa kanilang pagkakasakit.

Sa United States naman, nagsasama ang BA.4 at BA.5 na pumapatay ng nasa 500 hanggang 1,000 araw-araw.

Tingnan ninyo.

Noong Mayo 21, may 1,019 na nasawi at kinabukasan, may 533 na sinundan sa ikatlong araw ng 677.

Ganyang katindi ang nasabing mga variant o anak ng Omicron.

PAREHONG AYAW SUMUNOD

Sa mga bansang nabanggit, katakot-takot ang pagtanggi ng milyon-milyong nilang mamamayan na sumunod sa anomang uri ng health protocol at tumatanggi sa bakuna laban sa COVID-19.

Kahit ang pagsusuot ng face mask ay marami ang ayaw magsuot kahit sinasabi ng kanilang mga awtoridad na kalahati ang ibinibigay nitong proteksyon laban sa virus.

Kahit pa sinasabi ng mga awtoridad na kayang lumusot papasok sa katawan ng tao ang BA.4 at BA.5 upang maminsala at pumatay sa kabila ng pagkakaroon na natin ng immunity o lakas ng katawan sa bisa ng bakuna at dating pagkakasakit, ayaw pa rin nilang sumunod.

Ipinipilit ng mga ito na higit na mahalaga ang kanilang karapatang pantao na hindi sumunod sa anomang patakaran laban sa COVID-19, kahit pa nasa harapan nila ang katotohanang nagkakasakit at namamatay sila sa sakit.

IBA SA PINAS

Sa mahal kong Pinas naman, kahit mas kakaunti ang mga nagpapabakuna at nagpapa-booster bakuna kumpara sa nasabing mga bansa, sa huli, kabilang tayo sa mga bansang hindi na gaanong binubulabog ng COVID-19 bagama’t sa ngayon ay unti-unting dumarami ang tinatamaan nito.

Malinaw na dahilan dito ang maraming nagsusuot ng face mask paglabas ng kanilang mga tahanan, sumasakay sa mga pampublikong transportasyon, pumapasok sa trabaho, pumapasok sa iskul at namamasyal.

At may mga kasama pang kusang social distancing at paghuhugas ng mga kamay.

Marami rin ang kusang sumusunod sa patakarang pagpapa-rapid test pagpasok sa mga gusali, pasyalan at iba pa.

Isa pa, aktibo ang lahat sangay ng pamahalaan mula barangay hanggang sa mga nasyunal na ahensya sa pagpapatupad ng mga batayang health protocol na hindi naman gaanong sinusuway ng mga mamamayan.

Bagama’t nakapasok na rin ang BA.4 at BA.5 sa bansa, hindi pa rin makabuwelo ang mga ito upang maminsala nang lubos dahil nga sa taglay nating pagsunod sa mga health protocol, pagpapabakuna at kusang pagtutulungan laban sa pandemya.

Sana, magpapatuloy ang ating mga ginagawa para na rin sa kabutihan at kapakanan ng lahat.