Patay na fetus natagpuan sa septic truck

Patay na fetus natagpuan sa septic truck

February 24, 2023 @ 7:04 PM 1 month ago


MANDAUE CITY, Cebuā€”Isang patay na fetus ang natagpuan sa loob ng septic pumper truck na kumukuha ng basura sa mga portalet sa loob ng Cebu International Convention Center (CICC) compound, kaninang umaga, Pebrero 24 sa lungsod na ito.

Ayon kay Patrolman Jemson Tolin ng Centro Police Station 1, dakong alas-11 ng umaga nang nakatanggap sila ng report mula sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) hinggil sa patay na fetus sa septic pumper truck.

Sinabi ni Tolin na dakong alas-9:00 ng umaga ay kinuha ng service truck ang mga basura sa CICC at itatapon na sana nila ito sa Cebu City subalit laking gulat na lamang nila ng makita ang bangkay ng fetus kaya nagpasyang bumalik ang truck sa CICC para ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang pangyayari.

Agad naman dinala sa Mandaue City Hospital ang patay na fetus at kinumpirma na isa itong babae at nasa 24 na linggo na ito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang responsableng nagtapon ng patay na fetus sa loob ng portalet. Mary Anne Sapico