Patay na rapist hinuli

Patay na rapist hinuli

November 12, 2022 @ 10:21 AM 3 weeks ago


EDINBURGH, Scotland – Inaresto ng mga awtoridad sa bansang ito ang matagal nang patay ngunit buhay pala na may mga kasong panggagahasa sa United States.

Kinilala ang suspek ni Norman McFadyen, judge ng Edinburgh Sheriff Court, na si Nicholas Rossie, 35-anyos, na gumamit ng mga pangalang Nicholas Alahverdian, Nicholas Brown, Arthur Winston Brown and Arthur Knight Brown upang makaiwas sa kamay ng batas.

Makaraang manggahasa si Rossi sa Utah at Ohio, gumawa ito ng paraan na maisama ang kanyang pangalan sa mga listahan ng patay sa memorial website ng EverLoved.com at ipinagbabalita naman ito ng mga news outlet noon pang 2020.

Sinundan ito ng pagtakas ni Rossi sa US patungong Scotland at nagpakilalang hindi siya si Rossi kundi si Arthur Knight sabay katwirang hindi pa siya nagagawi sa US kahit kailan.

Ngunit nang tamaan siya ng coronavirus disease-19 at naospital sa Queen Elizabeth University Hospital sa Glasgow City, doon na siya naaresto bagama’t nahirapan pa rin ang mga awtoridad na alamin kung siya si Rossi o ibang tao.

Natiyak na lamang ng mga awtoridad na siya si Rossi nang magtugma ang mga tattoo nito sa mga rekord ng US at Scotland, kasama ang mga finger print at resulta ng DNA test nito.

Ngayon isinasailalim na si Rossi sa extradition upang harapin nito ang kanyang mga kasong panggagahasa sa US. RNT